Nitz Miralles / Bida
Magkaibigan sina Ogie Alcasid at Janno Gibbs at dahil sa friendship ng dalawa, hindi naman siguro nagalit ang una nang kantiyawan ni Janno na naiinggit si “Pareng Ogie” niya dahil nakalabas siya sa TV. Si Ogie raw, hanggang Facebook na muna napapanood ngayon dahil off the air ang ABS-CBN.
Ang tinukoy ni Janno na nakalabas siya sa TV ay ang pagge-guest niya last Monday sa Wowowin ni Willie Revillame na airing sa GMA-7. Viva artist na kasi si Janno, kaya hindi na lumalabas sa Kapuso Network at sa ABS-CBN huling napanood, pero pinayagan siya ng Viva na mag-guest kay Willie.
Si Ogie naman, nakakontrata sa ABS-CBN, pero sabi ni Willie, open siyang mag-guest si Ogie sa Wowowin kung gusto nito, magpaalam lang sa ABS-CBN. Dagdag pa ni Willie, siguro naman, papayagang lumabas sa show niya si Ogie.
Ipinost ni Janno ang photo nila ni Willie sa penthouse ng Wil Tower kung saan ginagawa ngayon ang show ng TV host. Marami ang nag-comment na happy sila to see Janno on GMA-7 again. Hindi lang sinagot ni Janno ang mga comments na sana, bumalik na siya sa Kapuso Network.