top of page
Search
A. Servinio

NBA legend Wes Unseld pumanaw sa edad 74


Sumakabilang-buhay na nitong Martes si Wes Unseld, isa sa itinanghal ng 50 Greatest Players ng NBA, dahil sa sakit na pneumonia sa edad na 74. Nakuha ni Unseld ang dobleng karangalan ng Most Valuable Player at Rookie of the Year noong 1969 bilang bahagi ng Baltimore Bullets na ngayon ay Washington Wizards.

Si Unseld ang Finals MVP sa nag-iisang kampeonato ng prankisa noong 1978 kung saan tinalo ng Washington Bullets ang Seattle Supersonics, 4-3. Matapos ang kampeonato, bumisita sila sa Pilipinas upang maglaro ng exhibition game kontra sa pinagsamang mga bituin at import ng PBA sa Araneta Coliseum.

Sa tangkad na 6’7”, siya na ang pinakamaliit na sentro sa NBA noong panahon na iyon. Subalit nabiyayaan siya ng malapad, malakas na katawan at diskarte upang talunin ang mga bantay niyang higante.

Mas maraming rebound ang nasungkit ni Unseld kaysa puntos sa kanyang buong karera. Nagtapos siya na may average na 10.8 puntos at 14.0 rebound sa 984 na laro mula 1968 hanggang 1981.

Nagtrabaho siya sa opisina ng Bullets hanggang tinalaga siya bilang coach noong 1988, isang posisyon na hinawakan niya hanggang magbitiw noong 1994 na may pangkalahatang kartada na 202-345 panalo-talo. Nanatili siya bilang General Manager ng koponan hanggang 2003.

Pinanganak si Westley Sissel Unseld noong March 14, 1946 sa Louisville, Kentucky at hindi na siya lumayo, nag-aral at naglaro para sa University of Louisville Cardinals sa NCAA. Nahalal siya sa Naismith Basketball Hall of Fame noong 1988 at ang kanyang damit na numero 41 ay retirado ng Wizards.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page