top of page
Search
Ryan B. Sison

Magulong sistema sa transportasyon, solusyunan na lang kesa maghanap ng sisisihin


Boses ni Ryan B. Sison

Matapos ang halos 80 na araw na lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar, 2.5 milyong manggagawa ang pansamantalang nawalan ng trabaho.

Noong Lunes, Hunyo 1, isinailalim sa pinaluwag na lockdown o general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila kung saan pinayagan nang mag-operate ang halos lahat ng industriya, habang limitado pa rin ang pampublikong transportasyon sa pampasahero at P2P (point-to-point) buses, tricycle at tren.

Kaya naman naging malaking hamon sa manggagawang nagbalik-trabaho ang pampublikong transportasyon.

Habang sinisisi ng apektadong mga komyuter ang kawalan ng umano’y matinong pagpaplano ng gobyerno, nagpahayag naman ng opinyon ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa naging sitwasyon.

Ayon sa kagawaran, tila nakalimot sa coronavirus protocols ang mga komyuter matapos mag-unahan ang mga ito na makasakay sa kabila ng limitadong transportasyon.

Nagkalat sa social media ang naging sitwasyon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa unang araw ng GCQ.

May mga komyuter na naipon sa kalsada habang nag-aabang ng masasakyan, may napilitang sumakay ng taxi at TNVS, meron ding umasa sa libreng sakay ng mga truck o police mobile at ‘yung mga wala talagang choice ay naglakad na lang.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, tila nawala sa pokus ang mga tao kahit may COVID-19 pa rin. Nagpokus umano sa pagbiyahe ang publiko gayung ang prayoridad ng pamahalaan ay ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Masisisi ba natin ang mga komyuter na ito? Sa totoo lang, sila ‘yung mga gusto nang kumayod dahil ayaw nang umasa sa tulong ng gobyerno, pero ang siste, sila pa ang natatawag na pasaway o nakakalimot sa kautusan.

Isipin natin, may magpapasaway ba kung may maayos na sistema?

Totoong nagkani-kanya ang mga komyuter hindi dahil gusto nilang magpasaway kundi dahil wala silang choice kundi dumiskarte para makarating sa kani-kanilang trabaho.

Marahil, hindi ganitong sitwasyon ang inaasahan nating mangyari sa pagluwag ng lockdown, pero ngayong nangyari na, siguro naman ay sapat na itong dahilan para umaksiyon o gumawa ng paraan.

Tama na ang turuan kung sino ang nakalimot at may kasalanan kung bakit magulo ang sistema gayung mas kailangan nating magtulungan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page