Kapwa nagkaroon ng damages pero, wala namang iniulat na nasaktan matapos na masalpok ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang kotse na tumatawid sa riles, kahapon ng madaling-araw sa Abad Santos Avenue, Tondo, Manila.
Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit, alas-4:50 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa lugar.
Nabatid na galing ang tren sa Governor Pascual station sa Malabon at patungong Maynila nang mabangga ang kotse sa Abad Santos Avenue.
Ayon kay Joseline Geronimo, tagapagsalita ng PNR, wala namang nasugatan sa insidente maging ang 30 pasahero na sakay ng tren at nailipat na rin ang mga ito sa ibang tren.
Nabatid na pinilit umano ng kotse na tumawid sa riles kahit na may paparating na tren.