Sigawan, balyahan, paluan, batuhan… sa ganitong tagpo madalas nauuwi ang mga kilos-protesta. Hindi maiwasang may masaktan sa mga ralista at maging sa mga awtoridad.
Ganito ngayon ang nangyayari sa ilang bahagi ng Amerika kasunod pa rin ng pagkamatay ng African-American na si George Floyd — nasawi matapos arestuhin at luhuran sa leeg ng isang pulis sa Minneapolis, Minnesota.
Subalit, naiibang senaryo ang natunghayan sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga pulis sa Miami. Makikita sa mga larawang nag-viral sa social media ang pagluhod ng mga pulis sa harapan ng mga nagra-rally.
Sa halip na itaboy ang mga nagkikilos-protesta, nagpakita ng kababaang-loob ang mga pulis at humingi ng patawad sa nangyari kay Floyd. Sinundan ito ng pag-iyak at pagdarasal ng mga lumahok sa protesta.
“This is touching! I hope we could be together as one. These police officers should be deployed in every city,” reaksiyon ng isa sa mga nagpoprotesta.
Sana ay humupa na ang gulo sa Amerika lalo’t may banta pa rin ng COVID-19 at nawa’y mabigyang-linaw, katarungan at katiyakan ang kanilang mga mamamayan sa insidenteng nangyari kay Floyd.
Huwag sana itong maging mitsa ng isyu ng diskriminasyong panlahi sa Amerika.