top of page
Search
Shane Ludovice

Iba’t ibang uri, sintomas, lunas at iba pang kaalaman tungkol sa luslos

Dear Doc. Shane,

Ang sabi ng kinakasama ko ay meron daw siyang luslos pero hindi ako pamilyar kung ano ‘yun. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Kim

Sagot

Ang luslos o hernia ay ang paglusot ng ilang mga organ sa marupok na bahagi ng abdominal wall. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang ang paglusot ng bituka papuntang singit kaya nagkakaroon ng pag-umbok sa bahaging ito.

Kung minsan, ang pagkaluslos ay nawawala at kusang bumabalik ang organ sa dati nitong puwesto, lalo na kung nakahiga ang pasyente. Subalit, kung patuloy na tumataas ang pressure sa abdominal wall, maaaring bumalik ulit ito.

Ang luslos ay mayroong iba’t ibang mga uri. Upang mas maunawaan ang kondisyong ito, narito ang mga pangkaraniwang uri nito:

  • Inguinal hernia. Sa kondisyong ito, ang ilang bahagi ng bituka ay lumulusot papuntang singit. Karaniwang nangyayari ito kapag ang tiyan ay patuloy na nakararanas ng mataas na pressure o dahil na rin sa katandaan.

  • Femoral hernia. Halos natutulad ito sa inguinal hernia sapagkat ang umbok ay makikita rin sa may bandang singit. Ang kaibahan lamang ay mas mababa ang lugar ng umbok nito kaysa sa inguinal hernia at ang naaapektuhan nito ay ang femoral canal sa halip na ang inguinal ligament.

  • Umbilical hernia. Ito ay karaniwan nangyayari sa mga sanggol kapag ang kanilang pusod ay hindi maayos ang pagkakasara. Gayunman, maaari rin nitong maapektuhan ang mga matatanda kung madalas na napuwepuwersa ang tiyan.

  • Hiatal hernia. Sa uring ito, ang ilang bahagi ng bituka ay umaakyat at lumulusot papuntang chest cavity. Dahil dito, madalas na makararanas ang pasyente ng pangangasim ng lalamunan at sikmura. Ang uring ito ay pinakalaganap sa mga taong may edad 50 pataas.

  • Ventral hernia. Sa uring ito, ang mga tisyu ay umuumbok mismo sa bahagi ng tiyan at tila nawawala kapag ang pasyente ay humiga. Ito ay karaniwang nakikita sa mga sangol, subalit nawawala rin ito sa kanilang paglaki. Maaari rin nitong maapektuhan ang mga matataba, atleta at buntis.

Bagama’t ang luslos ay may iba’t ibang uri, ang mga sanhi nito ay maaaring magkakatulad. Ilan lamang sa mga pangkaraniwang sanhi ng luslos ay ang mga sumusunod:

  • Pagtitibi o labis na pag-iri habang dumudumi

  • Malakas na pag-ubo

  • Labis na katabaan

  • Pagbubuhat ng mabibigat na bagay

  • Paninigarilyo

  • Kakulangan sa wastong nutrisyon

  • Pagkakaroon ng congenital birth defect

  • Pagkapinsala ng abdominal wall dahil sa operasyon

  • Pagbubuntis

  • Pagkakaroon ng labis na tubig sa tiyan o ascites

Mga sintomas:

  • Paglaki ng bayag sa kalalakihan

  • Pagkakaroon ng bukol sa apektadong bahagi tulad ng singit

  • Pagkakaroon ng tila namamagang pakiramdam

  • Pagsakit o pagkirot ng apektadong bahagi

  • Pagsakit ng apektadong bahagi kapag tumatayo, umuubo o nagbubuhat

  • Bahagyang pagkawala ng bukol o pananakit kapag humihiga

  • Pagduduwal o pagsusuka

  • Pagkaranas ng mga sintomas ng acid reflux tulad ng pangangasim, hirap sa paglunok at pananakit ng dibdib

Pag-iwas:

  • Itigil ang paninigarilyo upang hindi magkaroon ng chronic cough na maaaring magdulot ng luslos.

  • Panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng pagkain ng balanse at masusustansiyang pagkain at pag-eehersisyo.

  • Iwasan ang labis na pag-iri habang dumudumi. Upang maiwasan ang pagtitibi, kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng prutas at gulay.

  • Uminom ng sapat na dami ng tubig upang lumambot ang dumi.

  • Mag-ehersisyo araw-araw upang lumakas ang mga kalamnan ng tiyan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page