Aabot sa 301 mga opisyal ng barangay ang kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y mga iregularidad ng distribusyon ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, ipinatiyak ni DILG Secretary Eduardo Año sa PNP na hahabulin ang tiwaling barangay at local government officials kaya’t hindi titigilan ang pag-uusig sa mga ito.
"Hindi po hihinto ang DILG at ang PNP sa paghabol sa mga kurakot na barangay, LGU officials, at personnel na ito," pahayag ni Malaya.
Nagsasagawa na rin ng case build up sa 76 pang barangay officials.
Sa huling data ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, nakatanggap na ang pambansang pulisya ng kabuuang 381 na reklamo laban sa korupsiyon ng mga barangay officials.
Bukod sa mga barangay chairman at kagawad, may ilang barangay secretary, health worker, treasurer, SK chairman at mga lokal na empleyado ang inireklamo sa PNP.
Kabilang sa mga reklamo ay ang paglabag sa Republic Act 3019 o the Anti-Graft and Corrupt Practices, RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, at RA 11332 o Law on Reporting of Communicable Diseases.