Dahil na rin sa walang kasiguruhang sitwasyon na kinakaharap dulot ng coronavirus pandemic, tatlumpung (30) mga student-athletes ng University of Santo Tomas ang pinagsabihan na mawawalan ng kanilang scholarships sa susunod na term.
Kaugnay naman nito, ang iba pang mga student-athletes ay ibinalik sa training pools kaya't nananatiling kuwalipikado pa rin sa 50-percent tuition discount, ayon sa ulat ng official school paper ng unibersidad na - Varsitarian.
Nauna nang inanunsiyo ni UST Rector Fr. Richard Ang O.P. na itutuloy ang mga scholarships na ibinigay para sa second semester ng academic year 2019-2020 hanggang Disyembre.
Batay sa inilabas sa Office of Admission website ng UST, ang Santo Tomas Academic Scholarship at San Martin de Porres Equity Scholarship na lamang muna ang tanging io-offer para sa Academic Year 2020-2021.
Aalisin pansamantala ang Santo Domingo de Guzman scholarship na para sa mga student-athletes at mga nag-excel sa music and arts gayundin ang San Lorenzo Ruiz scholarship.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamunuan ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) kung saan kabilang ang UST hinggil sa kanilang plano para sa UAAP Season 83 na nakatakda sanang magbukas sa darating na Setyembre.