top of page
Search
Madel Moratillo

19,748 positibo sa COVID-19 — DOH


Umakyat na sa 19,748 ang kabuuang bilang ng covid-19 cases na naitala sa bansa.

Batay sa datos ng Department of Health, ito ay matapos silang may maitalang 751 na karagdagan pang kaso. Pero sa bilang na ito ay 221 lamang ang fresh cases habang 530 naman ang late cases.

Sa mga fresh cases na ito, 68 ang mula sa National Capital Region, 102 sa Region 7, ang 51 naman ay mula sa iba pang lugar sa bansa.

Sa mga late cases naman, ang 174 ay mula sa NCR, 240 naman sa Region 7, 105 naman sa iba pang lugar sa bansa habang 11 naman ay mula sa hanay ng mga repatriate.

Ipinaliwanag naman ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire na ang mataas na bilang ng late cases sa Region 7 ay dahil sa kahapon lamang nakapagsumite ng accomplishment report ang isa sa mga laboratoryo na lisensyadong magsagawa ng COVID test.

Ang laboratoryo na ito ay huling nakapagsumite noong Mayo 20.

"Ang mataas na late cases galing sa Region 7 ay dahil kahapon lang po nakapag-submit ng accomplishment report ang isa sa mga laboratoryo mula pa nu’ng May 20," paliwanag ni Vergeire.

May 90 namang naitala na bagong nakarekober mula sa covid-19.

Kaugnay nito, umakyat na sa 4,153 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling mula sa virus. Habang may 8 namang naiulat pang nasawi dahil sa covid-19. Sa kabuuan, nasa 974 na ang bilang ng nasawi sa bansa dahil sa sakit.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page