Nakatakdang humingi ng pahintulot sa gobyerno ang pitong National Sports Associations (NSAs) para makapaglaro na muli ang kanilang mga atleta.
Balak hilingin ng mga opisyales ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa), Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na bigyan sila ng one-month trial training period para maibalik ang kani-kanilang mga events.
Maliban sa mga nabanggit na NSA's, hihingi rin ng kaukulang permiso ang mga opisyales ng Philippine Football Federation (PFF), Karate Pilipinas (KP), Philippine Rugby Football Union (PRFU) at Gymnastics Association of the Philippines (GAP).
Kaakibat ng gagawin nilang kahilingan ang mga inihanda nilang safety at monitoring guidelines upang panatilihing ligtas ang kanilang atleta at coaches sa coronavirus.
Sang-ayon kay PATAFA president Philip Ella Juico, magpapadala sila ng kanilang "request" sa IATF sa tulong ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC).
“If everything goes well during that one-month period, we will request that the permit be extended for another month or so until regular competitions are held, say, by early September,’’ pahayag ni Juico.
Nag-shutdown ang lahat ng mga aktibidad sa Philippine sports noong Marso 16 nang magdeklara ang pamahalaan ng community quarantine measures para pigilin ang pagkalat ng COVID-19.
Kasama nilang nagpulong sina PFF president Mariano “Nonong’’ Araneta, GAP president Cynthia Carrion, KP president Ricky Lim, SBP executive director Renauld “Sonny” Barrios, LVPI secretary general Ariel Paredes, PRFU secretary general Ada Milby at rugby official Jake Letts.
Binanggit din niya bilang chairman ng Philippine Super Liga ang paghahalimbawa ni Araneta sa Spanish at German leagues, mga bansang may mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 na pinayagan nang magdaos ng kompetisyon, habang ang Vietnam football league ay naglalaro na sa harap ng maraming manonood.