Salaminin ang natin ang panaginip ni Alicia na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
May ibinebenta akong bahay na dati ko nang nabili at ‘yung tatlong bintana ay walang takip, as in, nakabukas lang at natatanaw sa labas ang malawak na bukid. May mga tanim na palay, maliwanag ang langit at berdeng dahon ng mga puno.
May buyer kaming buntis, tapos ‘yung asawa ko ay bumibili ng mga gulay sa mga nakabilao – may talbos ng kalabasa, dahon ng mais na panlaga, malunggay at iba pang mga gulay.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Alicia
Sa iyo Alicia,
Saan ka man naroon, ang sabi ng panaginip mo ay nababagot ka na. Ikaw ay makikitang hindi na masaya sa araw-araw na takbo ng buhay mo. Sa totoo lang, ang sinabi kong “saan ka man naroon” ay malamang nasa siyudad ka at malayo sa probinsiya.
Napanaginipan mo ang senaryo sa probinsya dahil kailangang magbago ang pakiramdam mo. Mahirap paniwalaan, pero ang mga panaginip ay tumutulong sa tao para sa ikagiginhawa ng kanyang kalooban.
Ang panaginip mo ay hindi nalalayo sa awiting bayan na nauso noong araw at ito ay ang Bahay Kubo. Nakaaaliw ang awiting ito kaya lahat ng Pinoy noong panahon ‘yun ay inaawit ito. May isa pang mahirap paniwalaan na kapag inawit ito ay may kakaibang saya ang madarama ng Pinoy.
Bilang katuwaan pero isa ring seryosong bagay, bakit hindi mo subukang awitin ang Bahay Kubo? Subukan mo dahil wala namang mawawala sa iyo kapag inawit ito at baka magulat ka pa dahil may kakaibang saya na mapasasaiyo.
Muli, ang panaginip ay gumagawa ng paraan para maibsan o mabawasan ang kalungkutan ng tao, gayundin, puwede siyang tuluyang sumaya at sumigla.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo