Pipiliting iwagayway ng binatilyong si International Master Daniel Quizon ang bandila ng Pilipinas sa pagsabak nito sa Asian Juniors Online Chess Championships ngayong Huwebes, Hunyo 4.
Hawak ni Quizon, 15-taong-gulang mula sa Cavite, sa pagpasok sa maigting na bakbakan, ang momentum ng mga panalong naiposte niya kamakailan sa gitna ng pananalasa ng COVID-19.
Sa Asian Zonal 3.3. qualifying tournament na isinaayos ng Asian Chess at ginanap noong huling bahagi ng Mayo, humataw ng panalo si Quizon sa huling round kontra sa noon ay tumatrangkong Mongolian na si IM Dambasuren Batsuren upang makopo ang korona sa tulong ng makinang na tiebreak rekord kontra sa tatlong iba pang chessers.
Aalagwa rin si Quizon sa Philippine National Bullet Online Chess Championships noong Abril 2020. May 523 na apisyonado ng paspasang ahedres ang nag-ambisyong makaakyat sa trono pero binigo sila ni Quizon.
Makakasama ni Quizon sa Asian online chess tilt bilang Zone 3.3 qualifiers kasama sina Batsuren at ang isang pambato na bansa sa katauhan ni Chester Neil Reyes. Ang huli ay mainstay ng National University.
Marami ang umaasam na manatili ang magandang kapalaran ng mga Pinoy sa panahon ng pandemic at sa kasagsagan ng online chess. Kamakailan, sa FIDE Online Cup For Players With Disabilities, nahablot ng Pinoy na si FIDE Master Sander Severino ang pangalawang puwesto. Kung tutuusin, kamuntik na siyang maging kampeon dahil nakatabla niya sa unang puwesto si Polish GM Marcin Tazbir sa dulo ng kompetisyon pero nasingitan siya ng topseed nang ilapat na ang tuntunin sa tiebreak.