Kasunod ng pag-apruba ng Nevada State Athletic Commission (NASC) sa mga contact sports na muling maipagpatuloy ang pagpapalabas ng mga laban sa Las Vegas. malayang makakapagtampok ang pamunuan ng Top Rank na magsagawa ng fight matches matapos ang mahabang lockdown dulot ng coronavirus disease pandemic.
Ilang mga salpukan na ang nakalinya para sa mga boksingero sa buong mundo, kabilang na ang Filipino fighter na si Mike “Magic” Plania ng General Santos City.
Kakaharapin ng 23-anyos na International Boxing Federation North American super-bantamweight champion ang numero-unong contender ng World Boxing Organization (WBO), no.2 sa International Boxing Federation (IBF) at no. 9 sa World Boxing Council (WBC) na si Joshua Greer Jr sa isang 10-round non-title catchweight 120-lbs match sa Hunyo 16 sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada.
Magiging kauna-unahang Filipinong boksingero si Plania (23-1, 12 KOS) na sasabak sa isang sporting event sapul nang ideklara ang pandemya. Dito makakatapat niya ang delikadong si Greer na binansagang “Don’t Blink” dahil sa kakayanang magpabagsak ng kalaban sa isang kisap-mata lang dahil sa bilis ng suntok.
Naging impresibo ang huling laban ni Plania nang agawin niya ang kasalukuyang titulo kay Giovanni “Baby Face” Gutierrez ng Nicaragua sa pamamagitan ng unanimous decision. Ngunit sa pagkakataong ito ay paboritong manaig ang kalabang Amerikano na may boxing rekord na 22-1-1 at 12 KOs.
Ilan pa sa mga inaprubahang laban ng NASC para sa Bob Arum owned promotion ay dalawang palabas pa na ieere ng ESPN sa Hunyo 9 at Hunyo 11 sa MGM Grand. Ipapalabas ang laban sa pagitan nina WBO featherweight champion Shakur Stevenson (13-0, 7KOs) at Felix Caballaro (13-1-2, 9KOs) para sa 10-round non-title fight sa super-featherweight limit na 130-lbs.
Makikipagbasagan ng mukha si dating WBO junior featherweight titlist Jessie Magdaleno (27-1, 18 KOs) kay Yenifel Vicente (36-4-2, 28 KOs) ng Dominican Republic sa 10-round catchweight na 128-lbs.
Mahigit sa 20 fight cards pa ang inaasahang ipapalabas ng Top Rank sa buong mundo na wala ring mga live audience na manonood kasama ang Austria, China, Mexico, Germany, Poland, New Zealand, Nicaragua, Canada, Czech Republic at maaaring anim sa Estados Unidos. Pito pang mga Filipinong boksingero ang nasa US na kinabibilangan nina Plania, 4-division champ Nonito Donaire, boxing champ Johnriel Casimero, Reymart Gaballo, John Vincent Moralde, Mark Bernaldez at James Bacon.