Salaminin natin ang panaginip ni Raquel na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naliligo ako sa batis, tapos sobrang linaw ng tubig at tahimik doon dahil agos lang ng tubig mula sa itaas ng bundok ang naririnig ko.
Sabi ko sa sarili ko, sana ay malapit lang dito bahay namin ‘yun, pero malabo ‘yun mangyari dahil taga-Makati City ako.
Ano itong panaginip ko?
Naghihintay,
Raquel
Sa iyo Raquel,
Malabong mangyari sa tunay na buhay ang iyong napanaginipan, pero ang kahulugan ng iyong panaginip ay puwedeng magkatotoo.
Sabi ng iyong panaginip, very lonely ang love life mo, na ang unang dahilan ay naghahanap ka ng tunay at wagas na pagmamahal. Kaya ibig ding sabihin, kung sakaling may karelasyon ka ngayon, hindi ka masaya at kulang ka sa tamang pagmamahal na dapat ay magmumula sa iyong karelasyon.
Kung nagkataon na ikaw naman ay may asawa na, ganundin ang kahulugan – ikaw ay hindi masaya sa iyong asawa.
Alam mo, ang tao ay isinilang sa mundo para lumigaya, kaya kapag ang tao ay hindi lumigaya, mahirap mang paniwalaan, pero masasaksihan ng iyong mga mata na iiwanan niya ang kanyang kalungkutan at siya ay pupunta sa lugar kung saan niya aakalaing liligaya siya.
Dahil dito, puwedeng tulad ng nasabi na, makahahanap ka ng kaligayahan dahil na rin ito ang kahulugan ng iyong napanaginipan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo