KAHIT nasa gitna ng krisis sa kalusugan, patuloy pa rin ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbigay ng serbisyo sa mga pambansang atleta. Noong Marso pa lang ay inagapan na nila ang sitwasyon at pinauwi sa kanilang mga lalawigan ang mga atleta na nakatira sa Kalakhang Maynila at Baguio City.
Nananatili ang tinatayang 30 atleta at ilang mga banyagang coach kahit ginawang pansamantalang quarantine facility ang ilang palaruan sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at PhilSports Complex sa Pasig City.
“Dito nasubukan ang disiplina at tibay ng loob ng mga atleta at sana ay walang tamaan ng sakit,” wika ni PSC Chairman William Ramirez na panauhin sa pagbabalik ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Lunes matapos huling magtanghal noong Pebrero. Sa unang pagkakataon, ang lingguhang pagtitipon ng mga editor at mamamahayag ay ginanap online.
Masaya rin niyang ibinalita na mataas pa rin ang morale ng mga atleta. Binuksan ng PSC ang mga serbisyong nitong medikal at pang-sikolohiya sa online para magabayan at bantayan ang mga atleta at malaking tulong din ang pagpatupad ng 20% diskwento ng mga atleta sa kanilang mga pangangailangan gaya ng pagbili ng pagkain, gamot at pamasahe sa pampublikong sasakyan.
Hindi rin dapat mag-alala ang mga atleta at makukuha ng buo ang kanilang buwanang allowance oras na bumalik ang mga pondo galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation. Kahit nabawasan ang allowance ng lahat, makukuha pa rin ito dahil nakasaad ito sa batas.
Nagpapadala din ang PSC ng pondo sa mga atletang nag-eensayo ngayon sa ibang bansa gaya nina EJ Obiena sa Italya, Hidilyn Diaz sa Malaysia at Carlos Yulo sa Japan. Pinag-aaralan kung anong aksiyon ang susunod sa mga banyagang coach na binibigyan ng mula $2,000 hanggang $5,000 bawat buwan subalit mas malamang na maiiwan ang mga lalahok sa 2020 Tokyo Olympics.
Nasa plano rin ang mass testing sa lahat ng atleta at mga empleyado ng PSC. Hinihikayat din ni Ramirez na magdaos ng mga online o digital na palaro ang mga NSA na maaaring magpatupad nito.
“Ginagawa nating lahat ang ating trabaho at patuloy nating ipagdasal ang atletang Filipino,” dagdag ni Chairman Ramirez bilang pangwakas. “Kung hindi mahalaga ay huwag na tayo lumabas at manatili sa loob ng bahay.”