Sasagutin ni Floyd Mayweather, Jr. ang pagpapalibing kay George Floyd, ayon sa kinatawan ni FMJ.
Isang black man si Floyd na nasawi noong nakaraang linggo sa Minneapolis matapos na malagutan nang hininga nang tuhurin siya sa leeg ng white policeman na si Derek Chauvin na sinibak noong Biyernes at kinasuhan na ng third-degree murder at second-degree manslaughter.
Ang pagkamatay ni Floyd ang naging sanhi ng malawakang protesta ng black people sa maraming panig ng Estados Unidos. “He’ll probably get mad at me for saying that, but yes, (Mayweather) is definitely paying for the funeral,” ayon kay Leonard Ellerbe, ang CEO ng Mayweather Promotions sa ESPN.
Idinagdag ni Ellerbe na ang dating five-division world champion ay nakipag-ugnayan na rin sa pamilya ni Floyd at tinanggap din ng pamilya ang alok na tulong.
“Floyd has done these kind of things over that last 20 years,” ani Ellerbe at idinagdag na hindi ibinibida ni FMJ ang kanyang ginagawang tulong sa mga nangangailangan.
Minsan na ring natulungan ni Mayweather ang mga gastusin sa burol at libing ni dating boxer Genaro Hernandez na pumanaw dahil sa cancer sa edad 45 noong 2011. Napagwagian ni Mayweather ang kauna-unahang world title nang talunin si Hernandez noong 1998.