top of page
Search
Ryan B. Sison

Biglang lobo ng bill sa kuryente ng kumpanyang tigil-operasyon habang lockdown, hindi makatarungan!


Boses ni Ryan B. Sison

Habang hindi pa rin makapaniwala ang maraming konsumer sa biglang pagtaas ng bill ng kuryente, patuloy na nagiging palaisipan sa publiko kung paano nangyari ito.

Tipong malayo sa katotohanan ang natanggap nilang bill at bagama’t inaasahang tambak ang bayarin, tila hinulaan ang pagkompyut ng nakonsumong kuryente.

Tulad ng ibang konsumer, natanggap ng aming kumpanya ang bill ng opisina sa pagitan ng quarantine period noong Marso hanggang Abril at tulad ng marami sa inyo, nagulat din kami.

Dahil agad na tumigil sa operasyon ang aming kumpanya matapos ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ), walang mga empleyado sa opisina kundi ang guard lamang, kaya ang nakapagtataka, katumbas ng bill na binabayaran namin kapag mayroong regular na operasyon ang sinisingil sa nasabing buwan.

Nakadidismaya dahil hindi makatarungan ang paniningil na ito dahil ano ang basehan? Kinokompyut ba talaga o minamanipula?

Dapat lang na maipaliwanag kung bakit biglang lumobo ang bill ng mga konsumer, lalo na sa mga kumpanyang hindi naman nag-operate sa panahon ng lockdown.

Panawagan sa Meralco, maging patas naman ho kayo! Hindi biro ang mahigit dalawang buwan na tigil-operasyon at walang kinita, pero sisingilin nang sobra-sobra.

Kung ang malaking kumpanya ay hindi n’yo pinalampas, paano pa ang maliliit na negosyo at ordinaryong tao?

Malamang ay milyun-milyong konsumer ang problemado kung paano at saan kukuha ng pambayad sa kuryente at mga naipong bayarin habang naka-quarantine, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, imbestigahan ang isyung ito.

Tuldukan ang hindi makatarungang singil sa kuryente!

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page