Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga online sellers na sumunod sa pinaiiral na SRP o suggested retail price para sa mga basic goods.
Ginawa ni DTI Usec. Ruth Castelo ang paalala dahil sa mas lalong paglakas ngayon ng online selling kasunod ng nagpapatuloy na banta ng covid-19 kung saan mas maraming Pinoy ang bumibili online.
Tinatayang 2 libong tauhan ng DTI umano ang inatasan upang mag-monitor ng presyuhan sa mga produktong ibinebenta sa internet.
Kasabay nito, binalaan ni Castelo ang mga online seller laban sa profiteering at overpricing. Ipinaliwanag ni Castelo na ang pinatutupad na SRP sa mga basic goods ay aplikable sa pisikal na tindahan man o online store.
Babala ni Castelo, sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police ay marami na silang nahuling mga online seller na lumalabag sa batas gaya ng pag-overprice ng produkto, profiteering at mahinang kalidad ng mga produkto na ibinebenta online.
Umaasa ang DTI na magsisilbi itong babala sa mga mapagsamantalang indibidwal lalo na at kasalukuyang nasa krisis ang buong mundo.
Una nang naglabas ng paalala ang isang regional office ng DTI kaugnay ng paglalagay ng presyo ng ibinebentang produkto.
Ayon sa Facebook post ng DTI Sultan Kudarat, “HINDI COOL ang PM SENT sa online selling! Gawing smooth ang iyong transaction kaya ilagay na ang presyo ng produktong binebenta mo.”
“Tandaan! Nakasaad sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines na unlawful ang pagbebenta ng kahit na anong produkto na walang karampatang price tag, label or marking ng presyo ng produkto.”