Namaalam na si Angelica Panganiban sa mga manonood at sumusubaybay sa Banana Sundae, ang gag show ng ABS-CBN na 12 years din nating napanood sa ere kung saan kabilang sa mainstay ang aktres.
Sa kanyang Instagram account ay nag-post si Angelica ng larawan ng buong cast ng Banana Sundae at sa caption ay ipinahayag niya ang sakit na nararamdaman sa pagkawala ng kanyang tahanan, ang ABS-CBN.
“Halos labingdalawang taon tayo nagpapatawa at nagpapasaya ng mga tao. Sa pinakaunang pagkakataon, kanina, umiiyak tayong lahat.
“Masyadong masakit na makitang durog na durog tayong lahat. Sa ganitong panahon, ito ang pinakahuli nating puwedeng maramdaman. Ang mawalan tayo ng tahanan.
“Masakit.. Kasi, intensiyon lang nating magpasaya, makatulong. Masakit, kasi, marami sa atin ang hindi na alam kung paano itutuloy ang buhay.
“Masakit kasi, magwawatak-watak na tayo.
“Sa mga salita na ibinabato n'yo sa amin para tuluyan kaming tapak-tapakan, walang sinabi 'yun sa sakit na nararamdaman naming lahat ngayon.
“Pare-parehas naming hindi alam ngayon kung paano pa kami lalaban.. kung saan pa kami kukuha ng lakas,” pahayag ni Angelica.
Sa kabila nito ay sinabi ng aktres na lalaban pa rin sila para sa ABS-CBN.
“Gusto naming isipin na pansamantala lang ‘to. Magkikita-kita ulit tayo. Gusto naming lumaban para sa mga kasamahan namin sa trabaho. Gusto naming ipaglaban ang pamilya namin. Gusto na namin ng katahimikan sa mga tanong namin.
“Pero kahit ganito, lalaban kami. Magtutulungan kami. Kapag nakabalik kami, sigurado akong mas malakas kami. Palagi naming tinatanong sa simula ng show ang 'Okay ba kayo jaaaan...' Ngayon naman, kami ang hindi 'okay'…”
Sa huli ay nagpasalamat ang aktres sa mga supporters ng Banana Sundae at umaasa pa rin siyang magkikita-kita pa rin sila.
“Kaya naman... Hanggang sa muli na lang muna tayo mga ka-Banana. Salamat sa halos labingdalawang taon. Mahal na mahal ko kayo.”