Nakatitiyak na ang ibang boxing expert na tatakbo lang sa ibabaw ng ruwedang parisukat si Terence “Bud” Crawford sakaling makaharap na si Manny ‘Pacman’ Pacquiao dahil iindahin nito ang tama ng mala-martilyo ni Thor sa lakas ng kamao ni Pacman.
Taglay pa diumano ni Pacman ang “it” factor na parang rambol bata at makikipagsabayan ng lakas ang fighting Senator at saka nito patitihayain sa gitna ng ring nang ganun kabilis sa mga maagang round pa lamang ang mamang itim. At oras na sapian na ng takot si Terence ay doon na ito tuluyang patutumbahin ng Pinoy, ayon sa analisa ni Brian Douglas ng Nowboxing.
Nagpakitang-gilas noon si Crawford upang mapansin lang ng top fighters sa kanyang dibisyon tulad ni Pacman, pero tila nagkakamali siyang hamunin ang isang tila mainit pang tubig, kahit itanong pa kay Keith “One Time” Thurman.
Sabi ni Thurman, malayo ang kaibhan ni Pacman kay Terence. Hindi pa raw niya mismong nakakalaban si Crawford, pero kung nais ng mamang itim na maging makasaysayan ang laban dapat ay dumaan muna sa pakikipaglaban sa kanya.
Sa rami ng mga nakababatang fighters ngayon na atat makalaban si Pacman nang dahil sa kikita ng limpak-limpak o kaya naman ay maging tanyag pa, dapat ay harapin muna ng mga ito ang mga gaya ng kalibre nina Deontay Wilder o Tyson Fury.
At kung hindi rin siya daraan sa mga kamao nina Thurman, Danny Garcia at Shawn Porter, malabo niyang matibag si Pacman.