Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang House Bill 6095 o ang panukalang nagpapataas ng limitasyon ng pupuwedeng gastusin ng mga kandidato at partido pulitikal tuwing eleksiyon.
Sa botong 213 yes at 6 no, 1 abstention, pinagtibay na ang panukala na nag-aamiyenda sa Section 13 ng Republic Act No. 7166 o “Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act".
Sa ilalim nito, ang mapapayagan nang magastos sa bawat kandidato sa pagka-presidente ay P50 kada rehistradong botante (dating P10) habang P30 (dating P3) sa kada rehistradong botante para sa vice-presidential, senatorial at iba pang kandidato.
Ang papayagan namang gastusin para sa political parties ay P50 para sa bawat national candidate habang P30 sa bawat local candidate.
Ang Commission on Elections (COMELEC), sa pagkokonsulta sa Bangko Sentral ng Pilipinas, kasama ang National Economic and Development Authority at Philippine Statistics Authority ay magsasagawa ng adjustment sa authorized election campaign expenses kada anim na taon, depende sa inflation rate at consumer price index.
Ayon naman sa may-akda ng panukala na si Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, ang pinataas na pinapayagang campaign expenditures ay higit na makatotohanan at makatutulong din upang maging tapat ang mga kandidato sa detalye ng kanilang isusumiteng statement of contributions and expenditures sa COMELEC.