top of page
Search
Ryan B. Sison

Manggagawang naglabasan, ‘wag nang sabayan kung maglalakwatsa lang!


Boses ni Ryan B. Sison

Hindi na required ang paggamit ng quarantine pass sa mga lugar nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang parte ng pagluluwag ng lockdown.

Gayunman, puwede pa rin umanong i-require ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng quarantine pass kung may inilatag na kondisyon ang mga ito.

Ayon sa DILG, bagama’t nasa GCQ na ang Metro Manila, may mga paghihigpit pa rin sa ilang lugar kung saan tuloy pa rin ang curfew at paglimita sa mga lumalabas tulad ng mga papasok sa trabaho at essential travel.

Samantala, nanawagan naman ang Palasyo sa publiko na patuloy na sumunod sa quarantine protocols.

Habang marami nang sektor at industriya ang nagbukas kahapon (Hunyo 1, Lunes), kailangang makipagtulungan ng taumbayan sa mga awtoridad dahil hindi umano kakayanin ng pamahalaan na mag-isang labanan ang COVID-19.

Hindi porke hindi na kailangan ng quarantine pass, “unli” na ang paglabas ng bahay.

Tandaan, ang pagluwag ng lockdown ay para gumalaw ang ekonomiya at hindi para maglakwatsa.

Sa dami ng manggagawang nakikipagsapalaran sa labas, daragdag pa ba tayong mga wala namang importanteng lakad? Kailangan pa bang unahin ang kagustuhang makagala kaysa sa kaligtasan?

Tandaan, bawat isa ay may responsibilidad at kayang gawin. Hindi lang sa gobyerno nakasalalay ang ating kaligtasan kundi nasa ating mga kamay din.

‘Ika nga, hindi nakikita ang kalaban at wala itong pinipili at habang hindi pa nasusugpo ang nakamamatay na sakit, walang dahilan para makampante tayo.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page