top of page
Search
Nympha

Katangian ng lider na dapat mamuno


Hindi lang tuwing bago mag-eleksiyon nasusuri ang katangian o ugali ng isang mahusay na lider ng bawat local government hanggang sa pinaka-Pangulo ng bansa. Guys, ngayong panahon ng krisis at pandemya, sinu-sino na sa tingin ninyo ang may malakas na kakayahan bilang lider, nakagawa ba sila ng pinakadakilang bagay? Nakatulong ba sila nang husto sa kanilang kapwa? May kakaiba ba kayong nakitang katangian niya kaya nasabi mong napakahusay niyang mamahala?

At dahil iyong hinahangaan, napakaganda nilang tularan. Naging sapat ba ang kanilang kakayahan, loob at isipan para maibigay ang siyento-porsiyento ng kanilang paglilingkod sa bayan?

Makikilatis mo kung nakagawa sila ng espesipikong mga plano para makatulong sa kapwa. Dapat makita rin sa kanila ang integridad, husay sa pakikipag-ugnayan sa tao, husay sa pagdedesisyon sa teamwork, maunawain, nakikibagay at nagagawang linangin ang husay sa pakikipag-usap.

1. SINASALIKSIK NIYA ANG MGA IMPORMASYON. Ito ang kailangan upang maging tagapanguna para sa isang mainam na pagpupulong. Tinitiyak niyang lagi siyang handa at agad natutupad ang mga gawaing nakaatang sa kanyang responsibilidad. Lahat ng lider ay dapat nakasunod sa mga alituntunin ng pagiging handa, anuman ang mangyari sa lugar o nasasakupan. Sinusuyod ang lahat ng mga taong nangangailangan sa kanilang lugar at wala siyang lalampasan.

2. NANINIWALA SA KANYANG NASASAKUPAN. Bukod sa pagiging tapat, may integridad at mahusay makisalamuha, dapat bukas ang isipan sa mga taong pipintas sa kanya. Silang mga nasasakupan ang pumili sa 'yo bilang lider, sila rin ang magsasabi sa 'yo ng kung ano ang makabubuti para sa inyong lugar.

3. HABANG KINAKAUSAP AY MAPAGKAKATIWALAAN. Lahat ng lider ay pinagkakatiwalaan mula sa personal at pribadong impormasyon, sila lang dapat ang nakaaalam at confidential. Higit na may tiwala ang kanilang empleyado sa kanilang lider na alam nilang magbibigay ng proteksiyon sa anumang sensitibong impormasyon na hawak niya. Nakikipag-usap nang pantay-pantay sa tao, maging ito man ay basurero hanggang sa CEO ng kumpanya.

4. MAY KAKAYAHANG MAKAPAGBIGAY NG MALINAW NA PALIWANAG. Ang abilidad na maibigay nang malinaw ang punto-de-bista ay ang pundasyon ng pagiging lider. Kapag nakuha mo ang tiwala ng iyong nasasakupan, mas madali mo silang mapasusunod. Kailangang naipiprisinta niya ang mga ideya sa mas katanggap-tanggap at malinaw na paraan.

5. MALAWAK ANG ISIP SA PAGTANGGAP NG MGA PAGBABAGO. Kung minsan, ang pagyakap sa pagbabago ay mahirap sa tao. Pero ang isang tunay na lider ay kayang mangumbinsi ng iba na yakapin ang pagbabago nang hindi naghihimutok o tumatanggi. Tulad ngayong ‘new normal’, lahat ng health protocols ay dapat nang pairalin ayon na rin sa sariling pamamaraan upang mailigtas lang sa pagkakahawaan ang kanyang nasasakupan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page