top of page
Search
A. Servinio

FIFA at PFF, may mga health protocols na para 'di magkahawaan sa pagbabalik laro


Nanatiling buo ang suporta ng FIFA sa lahat ng 211 kasapi nito, kabilang ang Philippine Football Federation (PFF), sa laban kontra COVID-19. Naglabas kahapon ng bagong dokumento ang FIFA sa tulong ng World Health Organization (WHO) na maaring gamitin bilang gabay sa pagbawas at tuluyang pag-iwas sa pagkalat ng sakit habang naglalaro.

Ang pangunahing layunin ng dokumento ay pangalagaan ang kalusugan ng manlalaro, coach, opisyal, staff, media at lahat ng may kinalaman dito para makabalik ang aksyon. Sakop nito ang lahat ng uri ng Football, propesyonal o hindi, at dapat ito ay sang-ayon sa mga umiiral na patakaran ng pamahalaan ukol sa pampublikong kalusugan at malakihang pagtitipon.

Tugma ang laman ng dokumento sa mga nailabas ng pandaigdigang pamunuan ng ibang larangan ng palakasan gaya ng physical distancing, bawal maghiraman ng gamit, bawal ang kamayan at marami pang iba. Susuriin ang lahat tatlong araw bago ang laro o ensayo at magiging masinsin ang paghanap sa mga nakisalamuha sa mga positibo.

Ang pagbantay sa kalusugan ng lahat ay napakahalaga para sa FIFA. Patuloy nilang isusulong ang pansariling kalinisan, physical distancing, malusog na pamumuhay, pagkain ng wasto at pagbawas sa hindi kailangan na paglakbay.

Kailangang maiplano ng maayos ang pagbabalik ng football dahil sa natatamasang mga benepisyo ng pamayanan nito. Inaatasan ang mga pederasyon tulad ng PFF na mag-ingat ng mabuti sa paglatag ng plano para sa football oras na matapos na ang kasalukuyang krisis.

Hangga't walang natutuklasan na bakuna para sa COVID-19, tanggap ng FIFA na talagang magbabago ang timpla ng panahon. Sa huli, lahat ng mga may kinalaman sa Football ay may responsibilidad na pigilan ang pagkalat ng virus.

Umaasa ang PFF na makakabalik na ang Football oras na paluwagin ang mga patakaran ng quarantine. Lumikha sila ng mga panukala para sa posibleng pagbukas ng 2020 Qatar Airways Philippines Football League (PFL) sa Hulyo at naisumite na ito sa Games and Amusements Board (GAB) upang pag-aralan at ibigay sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa huling desisyon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page