top of page
Search
Madel Moratillo

Enrollment, puwede sa internet, text o tawag


Nagsimula nang umarangkada ang enrollment sa mga pampublikong paaralan sa bansa simula kahapon, Hunyo 1, sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng covid-19.

Gayunman, ayon kay Education Usec. Diosdado San Antonio, online muna at wala munang physical enrollment sa unang dalawang linggo ng enrollment period.

Mula Hunyo 1 hanggang 15, maaari aniyang gawin ang enrollment sa pamamagitan ng internet, texting o tawag sa telepono.

Maaari lamang aniyang magtungo ang mga magulang sa mga paaralan matapos ang Hunyo 15 para sa iba pang katanungan o paglilinaw hinggil sa enrollment.

Pero paaala ni San Antonio, dapat sundin ang mga pinaiiral na health protocols, gaya ng physical distancing at pagsusuot ng face masks.

Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na kasabay ng enrollment ay pasasagutin din ang mga magulang sa survey hinggil sa mode of learning na nais nila para sa kanilang mga anak sa panahon ng new normal.

Ang enrollment period ay tatagal hanggang sa Hunyo 30. Habang ang klase ay magbubukas naman sa Agosto 24.

Una nang nilinaw ng DepEd na kahit magsimula na ang klase ay hindi pa rin sila magsasagawa ng 'face-to-face classes' hangga’t wala pang bakuna sa covid-19.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page