Pinangangambahang magkaroon ng malaking pagbabago sa sports sakaling magtagal pa ang pagkakatigil ng mga pampalakasan sa bansa, lalo na sa professional league.
Dahil sa kabila-kabilang mga pag-iingat at pagpapatupad ng safety protocols para sa lahat ng manlalaro, kakailanganin umano ng malaking gastusin para mapanatili ng isang club o koponan na masubaybayan at matustusan ang pangangailangan ng lahat ng sports nito. “Iyong paglalagay ng safety protocols and guidelines regarding the training and preparation pa lang ng mga teams ay may karagdagang gastos na, paano na lang sa ibang staff nito gaya ng ball boys at iba pang kakailanganin tulad ng simpleng alcohol and sanitations,” pahayag ni Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) president Joey Romasanta sa panayam ng BULGAR sa telepono. “Mahihirapan ang owners lalo na sa pampasuweldo, kapag nag-restart tayo very soon. Of course, hindi priority ng ibang owners na mag-advertise in terms of having a team, siyempre dapat umpisahan muna nila ang negosyo nila,” dagdag ng 75-anyos na sports official.
Aminado ang dating 2016 Rio Olympics Chef-de-Mission na nararapat na tumugon ang bawat pampalakasan sa bansa sa kautusan ng pamahalaan partikular na sa mga kaligtasan at kaayusan ng mga atleta lalo pa’t mas tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 pandemic sa bansa.
Gayunman, ikinalungkot ng kasalukuyang 1st vice president ng Philippine Olympic Committee (POC) na kung aabutin ng isa’t kalahating taon ang paghahanap ng vaccine kontra virus ay tila asahan na ang malaking pagbabago sa bilang ng mga manlalaro ng volleyball sa bansa, gayundin ang pagreretiro ng iba rito. “Malaki talaga ang epekto ng virus na ito sa sports. Alam naman natin na dependent ang volleyball and other ball games sa fans. Marami sa mga athletes natin sa fans kumukuha ng inspirasyon and we have to admit na this fans also produce incomes in watching live ball games sa mga arenas at venues. Siyempre negosyo rin iyan,” eksplika ng dati ring acting POC president. "Kapag nagrestart ang sports, will start for minimum, kung ‘di makukumpleto ang staff, walang pampasweldo,” dagdag nito.
Nakikipagtulungan na ang LVPI sa ilang national sports association (NSAs) para sa pagsasagawa ng mga hakbang para sa kinabukasan ng sports sa bansa, kung saan kamakailan lamang ay kabilang si LVPI vice president at national training director Peter Cayco sa mga lider ng NSAs para magsumite ng mga importanteng papeles sa IATF on Emerging Infectious Disease.
Tinitingnang maaaring manumbalik ang commercial volleyball sa katapusan ng Setyembre na inaasahang walang mga fans at mga taga-subaybay ang manonood sa venues. Ngunit ayon kay Cayco sa magkahiwalay na report ay tinatayang sa Enero 2021 na makababalik ng ensayo at ang pinakaposibleng maisagawa ang mga torneo sa Mayo 2021.
Sa ngayon ay pinapayagan pa lamang na sports ay ang swimming, tennis, table tennis, badminton, golf, cycling, running, equestrian, at skateboarding.