Malaking dagok para sa mga national athletes at coaches ang mabawasan ng allowances na natatanggap kada buwan kasunod ng pagtapyas ng pondong nakukuha ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa matinding dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. Inihayag ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na simula ng magkaroon ng pandemya ay bahagyang lumiit ang nalilikom na pondo mula sa National Sports Development Fund para pambigay sa allowance ng mga atleta.
Magsisimula ang pagtapyas sa mga allowances ngayong araw, Lunes, ngunit babayaran naman umano sa Hulyo. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa naturang panukala upang mapanatili ang pagbibigay ng allowances hanggang Disyembre 2020.
Hati naman ang sentimyento ng mga miyembro ng national team hinggil sa naturang balita na ang ilan ay ikinalungkot ang nasabing galaw ng ahensya, habang ang iba naman ay nagpapasalamat pa rin sa matatanggap kahit na may krisis na kinakaharap ang bansa.“Nakakalungkot kasi siyempre ‘yung ibang athletes sa allowance lang ng national team umaasa kasi nga full time athlete, pero siyempre sabi nga ‘di ba “in all things, be grateful”, at least merong matatanggap kaysa wala,” pahayag ni 2019 Southeast Asian Games bronze medalist Noelito Jose.
“Atsaka naiintindihan din naman namin na syempre may crisis ngayon kaya kinulang sa budget ang PSC. Syempre hindi naman priority ng government ngayon ang sports, ang health and safety ng mamamayan ang mas mahalaga,” dagdag ng 23-anyos na kasalukuyan pa ring nasa loob ng Philsports Complex sa Pasig City dahil sa lockdown. Hindi pa man natatanggap ni 30th edition gold medal winner Estie Gay Liwanen ang kanyang monthly allowance dahil kaka-apruba pa lamang nito bilang miyembro ng Kurash national team, lubos pa rin ang pasasalamat nito sa PSC dahil hindi nakakalimutan ang mga atleta.
“Alam naman po natin na ang allowance ay base sa presence sa training and performance, pero since wala nga po training at kanya-kanyang paraan para lang mapanatili ang level ng performance dahil nga sa pandemya, masaya pa rin kahit papaano dahil may maibibigay pa na allowance ang PSC.” Matatandaang malaking halagang natatanggap ng ahensya ng pampalakasan ay buhat sa kinikita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).