Salaminin natin ang panaginip ni Olive na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na may ngipin na ‘yung baby ko sa taas at baba, tapos lima hanggang anim na ngipin na ‘yun. Kitang-kita ko na tumubo na talaga ‘yung mga ngipin at hindi parang patubo pa lang.
Nu’ng nakaraang mga linggo, wala pa siyang ngipin at apat na buwan pa lang siya. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Olive
Sa iyo Olive,
Iba na ang mundo ngayon dahil umabante na ang mga kaalaman, teknolohiya, agham at maging ang mga tao ay malaki ang isinulong ng personalidad. Kaya marami ang nagsasabi na ngayon at sa mahabang mga panahon, ang mundo ay hindi na maaawat sa pag-unlad.
Pero ang pag-unlad ay hindi naman simpleng bagay dahil dapat ay kasabay ng pag-unlad ng mundo ang pag-unlad ng mga tao. Ano pa ang silbi ng maunlad na mundo kung ang mga tao ay hindi naman makasabay?
Ang pag-unlad ng mga tao ay nakabase sa kanyang maunlad na buhay, kumbaga, maganda ang kanyang kabuhayan at ito ay nakakapit naman sa paniniwalang dapat ay may magandang kinikita ang tao o sila ay nagsisiyaman.
Ang yaman naman ay nakaangkla sa sinasabing dapat ay may magandang hanapbuhay o pinagkakakitaan ang tao.
Sa ganitong paunang pananaw, ayon sa iyong panaginip, nagmamadali ang kapalaran mo. Dahil dito, nasasalamin sa panaginip na ang tagong hiling mo ay sana mabilis na lumaki ang baby mo dahil sa near future, ikaw ay magiging abala sa pagpapaunlad ng iyong kabuhayan. Ibig sabihin, hindi magagawa ng magulang na tutukan ang kabuhayan kapag ang tinutukan niya ay ang kanyang mga anak.
Muli, para malinaw, ito ay hiling mo lang naman. Huwag kang mag-alala dahil kapag ang tao ay nakatakdang yumaman tulad mo, may baby ka man o wala, yayaman ka.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo