Nakopo ni FIDE Master Sander Severino ng Pilipinas ang pangalawang puwesto sa pinakaunang edisyon ng FIDE Online Cup For Players With Disabilities sa isang maigting na pagtatapos.
Kumartada si Severino ng apat na mga panalo at isang tabla para sa kabuuang 4.5 puntos mula sa limang rounds.
Kung tutuusin ay tumapos ang Pinoy sa unahan ng pulutong pero nakatabla niya si Polish GM Marcin Tazbir.
Nang lapatan na ng tuntunin para sa tiebreak, sa pambato ng Poland napunta ang korona at si Severino ay nagkasya sa pangalawang puwesto.
Bukod sa runner-up honors ng torneong inorganisa ng world governing body sa ahedres at may cashpot na Euro 2,200, nakamarka na rin si Severino, 34-taong-gulang, bilang may-ari ng apat na mga gintong medalya (individual at team standard chess; individual at team rapid chess events) sa 2018 Asian Para Games.Siya rin ang nagkampeon sa National Rapid Chess Championships noong Enero.
Dalawang Ruso at isang Hungarian ang mga naghatian sa pangatlong puwesto dahil sa naisumite nilang tig-aapat na puntos sa paligsahang nilahukan ng 38 chessers mula sa 27 na mga bansa. Ito’y sina IM Yuri Meshkov, Denis Palin at Gbor Acs. Sa tiebreak, napunta kay Meshkov ang huling upuan sa podium.