Buo ang suporta ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa planong professional boxing career ni Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial kasunod ng mga napapabalitang aakyat na ito sa mas mataas na estado. Hindi umano pipigilan ng ABAP ang pagtuntong ng middleweight world champion sa propesyunal na bakbakan, katunayan ay tinutulungan pa umano ni boxing president Ricky Vargas at secretary-general Ed Picson ang 25-anyos na Zamboangenyo na makahanap ng maayos na professional manager sakaling maging pinal na ang desisyon nito.
Ayon sa lumabas na report, bukod kay Finkel, na dating handler ni eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao, ilan pa sa mga nag-aasam sa serbisyo ng Phil. Airman ay sina Keith Connolly at MP promotions president at international matchmaker Sean Gibbons.
Gayunman, sinabi ni Picson na prayoridad pa rin nila ang paghahanda ng 2020 Asia-Oceania Olympic Boxing Qualifier gold medalist para sa darating na Tokyo Olympics, na naurong sa susunod na taon dahil sa pananalasang dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, na nakaapekto ng husto sa pandaigdigang pampalakasan.
Mataas umano ang respeto ni Marcial sa mga opisyales ng national sports association dahil alam nitong kabutihan at kasiguruhan lamang ang intensyon ng mga ito na maipagpatuloy ang laban nito para sa Olympic Games.
“Alam ko naman na ang ikabubuti ko ang hangad nina Mr. Vargas at Sir Ed. Kanilang pag-aaralan ang mga alok, at ilalatag nila sa akin ang mga iyon at nasa akin pa rin ang huling desisyon,” pahayag ng three-time Southeast Asian Games champion.