top of page
Search
Ryan B. Sison

Ordinaryong manggagawa, no choice kundi mag-adjust para makakayod


Boses ni Ryan B. Sison

Mag-adjust ng travel time.

Ito ang panawagan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga komyuter na magbabalik-trabaho ngayong araw sa paglipat ng Metro Manila sa general community quarantine (GCQ).

Ayon sa MMDA, habang limitado pa rin ang transportasyon, wala pa ring number coding sa Metro Manila. Minabuti umanong tanggalin muna ang number coding para magbigay-daan sa frontliners, gayundin habang naninibago ang mga komyuter.

Panawagan ng kagawaran sa mga mananakay, magbaon ng sapat na impormasyon — kung saan dapat sumakay at asahan ang delay, gayundin, mag-adjust ng travel time.

Pinaalalahanan din ang mga pribadong sasakyan na dalawang pasahero lamang kada row ang puwede, habang sa ride-hailing services naman, kailangan ng division para sa pasahero at driver habang parehas nakasuot ng facemask. Kailangan ding i-sanitize ang sasakyan kada biyahe.

Pagkatapos ng dalawang buwang walang kayod, magtitiis na naman.

Tipong wala na ngang choice kundi lumabas at kumayod kahit hindi pa ligtas, dagdag-pahirap pa ang kakulangan ng pampublikong transportasyon.

Marahil, ‘yung iba ay tinanggap nang wala silang ibang magagawa kundi gumising nang maaga at maglakad na lang para makapagtrabaho.

Hanggang kailan magtitiis ang mga manggagawa? Puro ordinaryong mamamayan na lang ba ang mag-a-adjust?

Kung magiging kalahati lang ng kapasidad ng bus ang puwedeng isakay, malamang ay maiipon ang mga komyuter habang naghihintay ng masasakyan at ang masaklap, magdikit-dikit pa sila. Noon, halos umapaw na ang bus pero sandamakmak pa rin ang pasahero na hindi nakakasampa, paano pa ngayon?

Sapat ba na mag-adjust ng travel time at alamin kung saan dapat sumakay o kailangan talagang magdagdag ng iba pang transportasyon?

Sa totoo lang, dapat na nating asahan na kukulangin ang mga pampasaherong bus, kaya dapat nang paghandaan ang pagbabalik-pasada ng iba pang pampublikong sasakyan.

Hindi lang naman mga komyuter ang makikinabang dito kundi pati na rin ang mga tsuper na unang naapektuhan ng lockdown.

Hindi pa rin nawawala ang panganib na magkahawaan ng sakit, pero sana ay hindi ito maging dahilan para habambuhay na mag-adjust at magsakripisyo ang ordinaryong manggagawa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page