Sa panahon ng krisis, huwag din sana kalimutan ang ating mga alagang hayop. Kamakailan ay nag-alay ng 2,000 kilo ng hilaw na manok ang organizer ng 5x5 at 3x3 basketball sa bansa na Bounty Agro Ventures (BAVI) para sa Manila Zoo.
Isinara para ayusin noong 2019, natigil na ang mga bisita at lalong nabawasan ang pondo ng zoo sa pagdating ng kasalukuyang pandemya. Dahil dito, maaring mamatay sa gutom ang ilang libo rin nitong mga alaga.
“Bahagi ng kabataan natin ay madalas tayong ng magpunta at maaliw sa Manila Zoo,” wika ni Ronald Mascarinas, ang presidente ng BAVI. ”Noong nalaman namin na magugutom ang mga hayop ay hindi kami nagdalawang isip para tumulong.”
Simula pa noong Marso ay naghahatid na ang tulong ang kompanya sa pamamagitan ng donasyon ng pagkain sa mga frontliner. Nagpadala rin sila ng tulong sa mga maralitang komunidad na apektado ng krisis.
“Maraming salamat sa BAVI at kay Boss Ronald,” tugon ni Direktor Pio Morabe ng Manila Zoo. Ang mga manok ay hahatiin sa 200 kilo bawat linggo.