top of page
Search

GM So, hari ng Clutch Chess Champions showdown


Isang dosenang salpukan sa board ang nasaksihan sa championship play-off sa pagitan nina So (rating: 2770) at Caruana (rating: 2835) ng paligsahang isinaayos ng St. Louis Chess Center sa Amerika. Sa dulo ng duwelo, kapwa nakaipon ng tigsi-siyam na puntos ang magkaribal kung kaya nauwi sa tie-break ang finals. Dito, naging paramihan ng panalo sa mga clutch games ang labanan at nakaungos ang dating hari ng Philippine chess, 2-1.

Base sa format ng torneo, mas mataas na puntos ang ibinibigay sa apat na clutch games sa isang serye (5th, 6th, 11th at 12th games) kung ikukumpara sa mga larong hindi itinuturing na clutch games (1st, 2nd, 3rd, 7th, 8th, 9th at 10th).

Nauna rito, nakausad sa semifinals si So nang masingitan niya si speed chess monster GM Hikaru Nakamura, 9.5 - 8.5 habang winasak naman ni Caruana, isang Italian-American, ang hamon ni GM Leinier Dominguez, 15.0-3.0.

Ang pag-akyat ni So sa trono, na nagkakahalaga ng $30,000, ay pangalawa na sa nakaraang mga buwan. Kamakailan ay hinirang siyang 2019 FIDE World Random Fischer Chess champion. Bukod dito, ito na rin ang pangatlong pagkakataon na sumampa siya sa finals ng kanyang mga sinasalihang kompetisyon dahil siya rin ang naging runner-up sa 2019 Speed Chess Championships noong Pebrero.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page