top of page
Search
Gerard Arce

Dumaan sa depresyon, Woodley hindi nakaporma kay Burns sa UFC fight


Dinomina ni submission specialist Gilbert Burns si dating UFC welterweight champion Tyron Woodley mula simula hanggang makuha nito ang unanimous decision victory sa pagbabalik kahapon sa Las Vegas, Nevada ng UFC Fight Night nang iilan lang ang audience na nanood dahil sa umiiral na health protocol.

Ipinaramdam ng 33-anyos na Brazilian-American ang malulupit na galawan sa loob ng octagon para hindi bigyan ng pagkakataon ang dating kampeon na makabawi sa bawat round, sa harap ng bakanteng UFC APEX facility sa pinal na iskor ng mga hurado na 50-45, 50-44 at 50-44.

Dahil sa panalong nakuha ng dating 3-time jujitsu World Champion at World Cup gold medalist, nagkaroon ito ng tsansa na mapalapit sa titulo ni welterweight titlist Kamaru Usman, na noong isang taon ay inagaw naman ang belt kay Woodley sa isang unanimous decision victory sa UFC 235.

Sunod-sunod na patama ang binira ni Burns sa unang round pa lamang dahilan upang mahilo si Woodley at magbukas ang depensa nito. Napanatili rin ni Burns ang ground game kahit makailang ulit na nakakatakas ang 38-anyos na tubong Ferguson, Missouri, gayunpaman ay isang malalim na hiwa ang natamo ng tinaguriang “The Chosen One” sa kaliwang parte ng mukha nito, na lubhang nagbigay sa kanya ng kahirapan sa mga unang tagpo pa lang.

Wala pa rin sa tamang laro ang dating kampeon na inaming dumaan sa matinding depresyon sapol ng makuha ang one-sided loss kay Usman. Sinabi nitong kahit makailang ulit at sanay na itong lumaban sa loob ng octagon ay hindi niya natanggap ng maayos ang pagkatalo

“I went into a state of depression for a while. I got to the point where I felt like I faced it head-on. I felt [the loss] was necessary for my journey,” paglalahad nito na inaming malaki ang naging kawalan sa diyeta at buhay niya kasunod ng pagkatalo.

Sa ibang mga laban sa main card ay tinalo ni Augusto Sakai si Blagoy Ivanov via split decision (27-30, 29-28, 29-28); nakuha ni Billy Quarantillo ang UD kay Spike Carlyle (29-28, 29-28, 29-28); pinatapik ni Roosevelt Roberts si Brok Weaver sa pamamagitan ng rear-naked choke sa 2nd round; pinasuko rin ni Mackenzie Dern si Hannah Cifers sa ginawang kneebar sa women’s strawweight.

Nitong nagdaang Huwebes ay inilabas ng Nevada State Athletic Commission (NSAC) ang kanilang desisyon na payagang muling makapagtampok ang combat sports gaya ng MMA at boxing events sa Las Vegas sapol ng ipagbawal nila ang lahat na magpalaro noong Marso 14.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page