Magiging mahirap umano para sa gobyerno kung pagbibigyan ang hirit na mapayagan ang pag-angkas sa motorsiklo ng asawa o kamag-anak sa panahon ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Department of Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran, napakarami ng mga nagmomotorsiklo sa bansa at hindi magiging madali ang pagsusuri sa bawat may angkas kung sila ay magkamag-anak o hindi.
“Hindi kakayanin ng enforcers natin na mano-mano at isa-isang i-check ang mga naka-motor para lang mapatunayan kung magkasama ba sa bahay o magkamag-anak ‘yung magka-back ride,” ayon kay Libiran. “Mahirap din i-distinguish kung habal-habal ‘yan o nagpapanggap lang na mag-asawa o magkasama sa bahay,” dagdag nito.
Kasabay nito, ikinatwiran ni Libiran na ang polisiya ng gobyerno ay dapat ipatupad para sa lahat at hindi kailangan na magbigay ng exemptions lalo na kung nakasalalay ang kalusugan at kaligtasan.
Hindi rin aniya malayo na humirit din ang ibang sektor ng transportasyon.
“Kung papayagan natin ‘yung back ride, manganganak ‘yan ng ibang requests for exemptions at katanungan. Kasi sasabihin ng mga sumasakay sa jeep, bakit pagbabawalan silang magkakatabi eh pinapayagan naman ang magkakatabi sa motor? Ganun din sa private vehicles pati sa mga bus o sa mga tren,” paliwanag pa ni Libiran. “Sasabihin nila, ‘Puwede naman pa lang magkatabi sa sasakyan kasi magkasama naman sila sa bahay.’ Ano pang dahilan kung bakit tayo nag-impose ng reduced capacity sa mga bus, sa mga jeepneys, sa mga tricycle o kahit sa mga tren?” ayon sa opisyal.