
Sinunog ang isang presinto ng pulisya sa Minnesota matapos itong pasukin ng grupo ng mga nagpoprotesta laban sa pagkamatay ng isang Black-American.
Sumiklab ang mga protestang “Black Lives Matter” sa Estados Unidos sa gitna ng pandemya kasunod ng pagkamatay ni Floyd, na niluhuran sa leeg ng isang pulis makaraang arestuhin sa Minneapolis nitong Lunes.
Makikita sa viral video na ilang ulit nagmakaawa si Floyd para tanggalin ng pulis ang tuhod nito sa kanyang leeg dahil hindi na siya makahinga.
Samantala, nagpadala na ng National Guard ang gobernador ng Minnesota sa Minneapolis kasunod ng ikatlong araw sa nagpapatuloy na kilos-protesta ng mga galit na mamamayan ng nasabing lugar.
Nais ng mga ito na arestuhin ang mga pulis na tumuhod sa leeg ng biktima na naging rason ng agarang pagkamatay nito.