Dear Doc. Shane,
Madalas sumakit ang likod ko lalo na kapag nagbubuhat ako ng mabigat. Pinapahilot ko ito sa anak ko para mawala at minsan naman ay iniinuman ko ng pain reliever. ‘Yun nga lang, paglipas ng ilang araw ay babalik na naman. Ano ba ang dapat kong gawin upang tuluyan na itong mawala? – Mildred
Sagot
Maraming dahilan kung bakit sumasakit ang likod at ang paggamot dito ay depende sa kung ano ang sanhi nito. Halimbawa, kung ang pananakit ng likod ay dulot ng kapaguran, kailangan lamang itong ipahinga. Pero kung ang pananakit ng likod ay dulot ng injury o aksidente, nangangailangan ito ng medikal na lunas.
Mga uri:
Acute back pain. Ito ay pananakit ng likod na hindi tatagal nang mahigit sa isang buwan. Ang nararamdamang pananakit ay kadalasang biglaan. Bukod dito, ang pananakit ng likod ay posibleng may halong hapdi o pakiramdam na parang tinutusok.
Chronic back pain. Ito ay kabaligtaran ng acute back pain kung saan ang pasyente ay nakararanas ng “long-term” o matagalang pananakit ng likod. Kadalasan, ito ay tumatagal nang mahigit sa tatlong buwan. Sa mga malalalang kaso naman ay tumatagal ito ng habambuhay. Bukod dito, ang sakit na nararamdaman ay hindi biglaan. Sa halip, ito ay nag-uumpisa sa katamtamang sakit hanggang sa ito ay maging mas masakit kinalaunan.
Subacute back pain. Ito ay sa pagitan ng acute at chronic. Ang pasyente ay nakararanas ng pananakit ng likod na hindi hihigit sa tatlong buwan.
Narito ang kadalasang sanhi ng pananakit ng likod:
Sobrang timbang. Hindi makakayanan ng likod kapag may labis ang bigat ng katawan. Ang posibleng resulta nito ay ang pagkurba ng likod na siyang magdudulot ng pananakit o pangangalay.
Maling postura. Kapag nasanay na nakakuba, ang likod ay makararanas ng pananakit sapagkat wala sa tamang alignment o pagkakahanay ang mga buto ng iyong likod.
Pagbubuhat ng mabibigat. Dahil sa dagdag na pressure sa likod habang nagbubuhat, ito ay sumasakit at nangangalay.
Injury. Ang pagkakaroon ng injury sa likod ay madalas ding magdulot ng pananakit. Maaaring ang injury ay makuha sa paglalaro ng sports o mula sa aksidente.
Stress at depresyon. Ang stress at depresyon ay posible ring maging sanhi ng back pain. Kapag stressed at malungkot ang tao, nababawasan ang produksyon ng serotonin at norepinephrine sa utak. Ito ay mga kemikal na nakatutulong upang mabawasan ang anumang sakit na nararamdaman sa katawan. Kaya kapag nababawasan ang produksiyon ng mga kemikal na ito, lalong makararamdam ng pananakit ng likod o sa ibang parte ng katawan.
Ibang karamdaman. Kapag ang pasyente ay may ibang karamdaman, lalung-lalo na ang mga sakit na may kaugnayan sa mga buto, malaki ang posibilidad na magkaroon ng back pain. Ilan lamang sa mga karamdaman na nagdudulot din ng back pain ay scoliosis, osteoporosis at arthritis.
Upang maiwasan ang pananakit ng likod o back pain, mas mainam na gawin ang mga sumusunod:
Magbawas ng sobrang timbang. Kapag mahigit sa normal range ang iyong timbang, iminumungkahi na magpapayat. Upang pumayat, kumain nang wasto at ugaliing mag-ehersisyo araw-araw.
Siguraduhing wasto ang postura. Nakaupo man o nakatayo, dapat palaging wasto ang postura. Kapag ang iyong likod ay hindi tuwid, mananakit ito dahil hindi tama ang alignment o pagkakahanay nito.
Magbuhat nang tama ang postura. Sa pagbubuhat ng mabibigat na bagay, ugaliing mag-squat upang magamit ang lakas ng mga hita. Kung yuyuko lamang para buhatin ang mabigat na bagay, mananakit lamang ang iyong likuran. Huwag din pipilitin na magbuhat kung hindi naman talaga kaya.
Mahiga sa komportableng kama. Maaari ring magkaroon ng back pain kung ang kama na hinihigaan ay hindi komportable. Ang kama ay dapat hindi gaanong malambot pero hindi rin gaanong matigas. Tuwing hihiga naman, siguraduhin na sapat lamang ang taas ng unan para hindi mangalay ang likod.
Gayunman, kung ang pananakit ng likod ay hindi nawawala sa loob ng dalawang linggo, kumonsulta sa doktor upang ito ay masuri nang maigi at mabigyan ng karampatang lunas. Kung ang back pain naman ay dulot ng injury, ito ay nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.