![](https://static.wixstatic.com/media/2fdd27_0c52d9d53cc84e6992acf31fa49d5928~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2fdd27_0c52d9d53cc84e6992acf31fa49d5928~mv2.jpg)
Bawal na ang mga nakasanayang entourage o mga abay sa kasal sa Simbahang Katolika.
Ito ang nakasaad sa bagong guidelines na inilabas ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa ilalim ng tinatawag na new normal dahil sa covid-19.
Ayon sa CBCP, tanging ang bride at ang groom, magulang ng ikakasal at isang set ng sponsors na lang ang papayagang makadalo sa seremonya ng kasal sa loob ng simbahan.
Ayon sa CBCP, ito ay bilang pagsunod na rin sa ipinatutupad na social distancing.
"We have to forego all of the secondary elements of the normal wedding ceremonies, e.g., the wedding entourage (abays)," bahagi ng pahayag ng CBCP.
Pero ayon sa CBCP ito ay para sa mga magpapakasal lamang ngayong taon.
"...due to the demand of social distancing, wedding celebrations this year will have to be simpler than usual," bahagi ng pahayag ng CBCP.
Maging sa mga dadalo sa binyag at funerals ay mga immediate family members na lang ang papayagan.
Habang sa binyag naman, maliban sa pamilya ay isang set ng ninong at ninang. Bilang pag-iingat, ang paglalagay ng banal na langis ay gagamitan ng bulak kapag inilagay sa bibinyagan.
Matapos nito, ang bulak ay susunugin matapos ang selebrasyon.
Lahat naman ng dadalo sa mga nasabing okasyon ay kailangang magsuot ng face mask at dapat na tiyaking masusunod ang physical distancing.
Sinabi ng CBCP na ipagpapaliban muna ang mass confirmation ngayong taon.