Patuloy pa rin ang pagbuhos sa social media ng suporta kay Coco Martin ng mga katrabaho, kaibigan at tagahanga niya.
Isa na riyan ang tinaguriang "Mr. Excitement" sa PBA noon at naging artista rin na si Paul "Bong" Alvarez.
Nakasama ni Bong si Coco sa Kapamilya action-serye na Ang Probinsyano.
Sa video ni Bong na napanood namin sa social media ay sinabi niya na nais lang daw niyang iparating sa mga tao kung gaano kabait si Coco.
"Isa ako sa mga natulungan nito (ni Coco) noon na talagang… sobra. Masasabi ko, sobra, sobra talaga kasi hindi tago ang nangyari sa akin, sa buhay ko," panimula ni Bong.
Taong 2017 ay nadakip si Bong ng mga pulis sa isang lugar sa Kyusi dahil sa drugs.
"At uh, talagang ipinahanap pa ako nitong tao na 'to. Pagkatapos, talagang nag-iba lahat. Nag-iba lahat 'yung…sobra!" kuwento pa ni Bong.
Hindi mapigil si Bong sa pagsabi ng pasasalamat kay Coco.
"Kay Coco, gusto kong ipaabot sa 'yo ang pasasalamat ko na pagkatapos nu'ng ginuest mo ako sa Ang Probinsyano, talagang… hindi lang pinansiyal.
"Hindi lang pinansiyal, ispiritwal, talagang uh… nabago. Ang daming nabago sa akin na dati, ang tingin ko sa sarili ko noon, talagang wala akong kakuwenta-kuwentang tao. At lahat ng 'yun, binago mo nu'ng iginuest mo roon. At kahit na nu'ng huli na pagsasama natin. Pero ang lakas talaga ng impact sa buhay ko. Talagang habambuhay na blessing. At uh, 'yun nga, ispiritwal.
"Dati, ang dami kong katanungan sa Diyos. Ang dami kong katanungan sa Bible, lalung-lalo na 'yung uh, Romans 8:28 na hindi ko maintindihan.
"Sinabi nga ru'n, all things work together for good to those who love God, to those who walk according to His purpose. Hindi ko maintindihan dati ang verse na 'yan. Pero simula noon, simula nu'ng matulungan mo ako, talagang lahat ngayon, naintindihan ko na kung bakit, kung bakit nangyayari sa buhay ng tao 'yung mga bagay na hindi dapat mangyari.
"Kaya talagang saludo ako sa 'yo, Coco, Brother! Sobrang bait mo. Sana, huwag magsasawa sa pagtulong sa kapwa," tuluy-tuloy na sabi ni Bong.
Wish din ni Bong na huwag nang pansinin ni Coco ang mga bumabatikos sa kanya.
"Sana, huwag kang mainis kung anuman 'yung mga batikos sa 'yo. Dahil uh, sinisiguro ko, uh, tao ka ng Diyos, man of God ka."
Sobra raw tumulong sa kapwa si Coco na wala namang nakukuhang kapalit.
"Pero 'yun nga, nag-aaksaya ka ng panahon sa kapwa mo, lalo na sa isang katulad ko na talagang, uh, wala na, walang-wala na. Tapos, ibinangon mo ulit. Kaya Coco, sobrang sasamantalahin ko na ang pagkakataon na magpasalamat sa 'yo, sobra-sobra.
"Sobrang thank you talaga. Hindi lang ako kundi pati pamilya ko, mga anak ko, lahat. Lahat, uh, 'ika nga, eh, nakinabang doon sa blessing, sa tulong na ginawa mo sa akin. Kaya Coco, huwag ka sanang magbago," pahayag pa ni Bong.
Ang mga anak na tinutukoy ni Bong ay ang 'tres Marias' nila ng estranged wife niyang si Almira Muhlach.
Una, si Alyssa na nag-compete sa Miss World 2018, si Illa na nagtapos ng Psychology sa De La Salle University na by this time ay maaaring nagte-take na ng Medicine, at ang kaga-graduate lang sa University of Asia & Pacific with a degree on Entrepreneurial Management bilang Magna Cum Laude na si Inna.