top of page
Search
Shane Ludovice

Madalas na pagsakit ng balakang ng kababaihan, posibleng sintomas ng kanser sa matris

Dear Doc. Shane,

Madalas akong magkaroon ng regla kahit pa kakatapos lang ng regular period ko. Madalas din sumakit ang balakang ko at ang aking ari kapag nakikipagtalik ako. Natatakot ako na baka kanser na ito dahil kanser sa matris ang ikinamatay ng nanay ko at naisip ko na baka namana ko ang sakit sa kanya. Maaari ba ninyong talakayin ang sakit na ito. – Jona

Sagot

Ang matris (uterus) ay ang bahagi ng katawan ng babae na nagdadala ng sanggol habang siya ay buntis. Kapag ang tisyu na nakapalibot sa matris (endometrium) ay tinubuan ng mga bukol, naaapektuhan ang babae ng kondisyong tinatawag na kanser sa matris o endometrial/uterine cancer.

Isa ang kanser sa matris sa mga pinakalaganap na uri ng kanser ng kababaihan. Kapag nagkaroon ng kondisyong ito, ang pasyente ay makararanas ng iba’t ibang sintomas tulad ng pagsakit ng balakang, pagdurugo ng ari (na hindi sabay sa pagreregla), pagsakit ng ari habang umiihi o tuwing nakikipagtalik at iba pa.

Bagama’t wala pang tukoy na dahilan kung bakit nagkakaroon ng kanser sa matris, tinitingnan na dahilan ang mutation o pagbabago ng DNA ng mga selula sa matris. Sa pagbabago ng mga selula, ang mga ito ay nagiging abnormal at nagkakaroon ng hindi mapigilang pagdami at paglaki.

Upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring sumailalim ang pasyente sa operasyon, chemotherapy, radiation therapy at iba pang pamamaraan. Sa maagang pagtukoy at paglapat ng lunas sa sakit na ito, mas malaki ang posibilidad na tumaas ang survival rate ng pasyente.

Ang kanser sa matris ay may tatlong pangunahing uri.

  • Type 1 endometrial cancer. Ito ay ang pinakalaganap na uri ng kanser sa matris. Kilala ito sa tawag na endometrioid cancer. Sa uring ito, ang mga bukol ay mabagal ang pagtubo at bihira lamang kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Pinaniniwalaang nagkakaroon ng kondisyong ito kapag masyadong naparami ang produksiyon ng estrogen hormone ng kababaihan. Kumpara sa ibang mga uri, mas madali itong gamutin.

  • Type 2 endometrial cancer. Ito ay mas mapanganib sapagkat ang mga bukol ay mabilis na tumutubo at kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kaya nangangailangan ito ng matinding gamutan.

  • Uterine sarcoma. Ang mga bukol ay tumutubo sa mismong kalamnan ng matris (myometrium). Napakadalang ng uring ito, subalit maaari itong kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan.

Narito ang ilan sa mga sintomas nito:

  • Pagsakit ng balakang

  • Paglabas ng dugo sa ari (na hindi nai-uugnay sa regla)

  • Pagdurugo ng ari kahit nag-menopause na

  • Pananakit ng ari habang umiihi o nakikipagtalik

  • Pagkakaroon ng mabahong discharge o likidong lumalabas sa ari

  • Paglaki ng matris

  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang

  • Panghihina sa tiyan, likod o mga binti

Maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng kanser sa matris sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pagpapanatili ng wastong timbang. Isa sa mga salik sa panganib ng kanser sa matris ay ang pagiging mataba. Upang hindi maapektuhan ng kondisyong ito, panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng pagpili ng balanse at masusustansyang pagkain.

  • Pag-eehersisyo araw-araw. Kahit nasa wastong timbang ang katawan, hindi pa rin dapat kaligtaan ang pag-eehersisyo. Nakatutulong ito upang mabalanse ang mga hormone sa katawan tulad ng estrogen upang hindi magkaroon ng anumang uri ng kanser na na-uugnay sa pabagu-bagong dami ng mga hormone.

  • Paggamit ng mga contraceptive. Bukod sa pag-iwas sa pagkakaroon ng anak, ang mga contraceptive tulad ng intrauterine device (IUD) at birth control pill ay nakatutulong upang mabalanse ang mga hormone sa katawan ng babae. Nakatutulong din ang mga ito upang hindi gaanong kumapal ang mga lining ng matris.

  • Pagsasailalim sa hormone therapy. Ang hormone therapy ay ang pag-inom ng mga supplement upang mabalanse ang produksiyon ng estrogen at progesterone sa katawan. Upang malaman ang pinakaangkop na hormone therapy, kumonsulta sa doktor.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page