top of page
Search
V. Reyes​

Quarantine rules kapag 'di nasunod... Mga mall, ipasasara — DILG


Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na maipasasara ang mga mall kung mabibigong masunod ang mga health protocol sa ilalim ng modified enhanced community quarantine.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kailangang mahigpit na sumunod ang mga mall sa pagpapatupad ng physical distancing at crowd control sa kanilang mga establisimyento.

Inatasan na ng kalihim ang lahat ng local government units (LGUs) at pulisya na mag-inspeksiyon sa mga mall at ipatiyak sa mga may-ari na dapat ay nasusunod ang minimum health standards ng Department of Health (DOH) at quarantine protocols.

Diin ni Año, kung hindi susunod ay pupuwedeng ipasara ng Philippine National Police ang mall at kasuhan ang mga may-ari nito ng paglabag sa Bayanihan to Heal As one Act.

Sinabi naman ni Joint Task Force Covid Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na naibigay na sa mga police commander ang listahan ng mga mall at iba pang business establishments kung saan may paglabag sa physical distancing.

“These commanders were instructed to warn the management of these malls and make sure that the warning be personally relayed to the mall management and other similar establishments,” ayon kay Eleazar.

Kinalap na rin ng task force ang mga larawan at video sa social media na sinasabing paglabag sa physical distancing rules upang magamit na ebidensiya.

Batay sa regulasyon, isang tao lang ang pupuwede sa dalawang square meters na common area sa mall para matiyak ang tamang distansiya ng mga tao.

Regular ding pinagpapatrulya sa loob ng mall ang mga guwardiya o empleyado upang maipaalala sa mga kustomer ang mga regulasyon ng social distancing at pagsusuot ng face mask. Kapag umabot na sa limitasyon ng maximum na mga taong pinapayagan sa loob ng mall, papipilahin ang mga ito sa labas at paghihintayin na mabawasan ang mga nasa gusali.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page