top of page
Search
V. Reyes

Pamamahagi ng pondo ng SAP, ipinalilipat sa barangay officials


Sa layong mapabilis ang pamamahagi ng ikalawang wave ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), iminumungkahing maipasa ang responsibilidad na ito sa mga opisyal ng barangay.

Inihain ni Marikina City Rep. Bayani Fernando ang House Resolution 807 na nagpapanukala sa gobyerno na ipatrabaho na sa mga barangay ang pagproseso ng listahan ng mga benepisyaryo ng SAP na sesertipikahan ng Sangguniang Barangay sa pamamagitan ng resolusyon at ipakikita sa publiko.

Ilalagay sa barangay hall o sa iba pang pampublikong lugar ang listahan ng benepisyaryo para makita kung may kuwestyunableng indibidwal ang naisama.

Pagkatapos nito, ang listahan ay isusumite sa Department of Interior and Local Government (DILG) para masuri at kung pasado na ay isusumite naman ng DILG sa Department of Budget and Management.

Direktang ilalabas ng DBM ang pondo sa mga barangay.

Ipatitiyak sa mga barangay captain at barangay treasurer na naipamahagi ang lahat ng pondo sa tamang mga benepisaryo.

Kapag may natukoy na anomalya sa paglilista at pamamahagi ng cash aid, mananagot ang mga barangay chairman at kanilang treasurer.

Nakasaad din sa resolusyon na ang lahat ng pamilya sa Luzon ay pabibigyan ng P5,000 kahit pa mayaman, middle class o mahirap ay dapat maging pantay-pantay ang ayuda.

Paliwanag ni Fernando, ang mga barangay official ang higit na nakakaalam o nakakakilala sa kanilang mga nasasakupan kaya't upang mapabilis ang proseso ay dapat na ibigay na sa kanila ang trabaho ng pamamahagi ng SAP.

Naaprubahan na sa komite ang resolusyon at nakatakdang talakayin at paaprubahan sa plenaryo ng Kapulungan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page