Hindi tuloy ang preliminary investigation kaugnay ng umano’y paglabag ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa quarantine protocol.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, ang tentative at na-reset na petsa ay sa Hunyo 18.
Una rito, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na ang tentative date sa pagdinig ay isasagawa sa Mayo 20.
Matatandaang, nag-ugat ang reklamo sa umano'y pagiging pabaya ni Pimentel nang nagtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa covid-19, dahilan para malagay sa peligro ang publiko at mga health workers.
Una rito, sa pamamagitan ng electronic filing, sinampahan ng abogado sa DoJ si Pimentel ng kasong paglabag sa RA 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DoH).
Sa ilalim ng R.A. 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa batas mula P20,000 hanggang P50,000.