top of page
Search
Ryan B. Sison

Pagbubukas ng mall, paraan para gumalaw ang ekonomiya, 'di para maglakwatsa


Boses ni Ryan B. Sison

Kahapon, Mayo 16, umarangkada ang pinaluwag na lockdown sa ilang parte ng bansa dahil sa layuning mabuksan ang ekonomiya.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng pamahalaan na isasailalim ang Metro Manila, Laguna at Central Luzon (maliban sa Aurora at Tarlac) sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang Mayo 31.

Sa muling pagluwag ng lockdown, dinagsa ang Metro Manila, partikular ang mga mall sa kabila ng banta sa COVID-19.

Bukod sa essential establishments tulad ng supermarket at botika, pinapayagan na ring magbukas ang mga non-leisure shops, kabilang ang hardware store, clothing and accessories store, bookstore, baby at pet care stores.

Kaya naman, nagkalat sa social media ang iba’t ibang post ng dismayadong netizens tungkol sa pagdagsa ng tao kung saan makikitang nalalabag ang physical distancing protocols dahil sa pagkukumpulan.

Tulad ng inaasahan, marami ang nadismaya at naalarma, lalo na ang National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Ayon sa tagapagsalita ng NTF Against COVID-19, naging excited ang mga Pinoy at maaaring ito ay dahil sa kakulangan ng pagkaintindi sa sakit na kumakalat. Nanawagan din ito sa publiko na maging mahinahon at ‘wag ma-excite sa paglabas ng bahay.

Samantala, maraming residente ang nabahala dahil hindi umano nila inaasahan na dadagsa ang mga tao sa pamilihan sa unang araw ng pagluwag ng lockdown at kasabay ng pagbabalik-trabaho ng libu-libong manggagawa, nababalutan sila ng takot na baka mahawa.

Bago luwagan ang lockdown, nagbabala na ang mga eksperto sa posibilidad na muling tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, gayundin ang ikalawang bugso ng sakit.

Dito pa lang, marami nang nabahala, pero kahapon, kitang-kita ang tuwa ng mga tao dahil nakalabas na sila ng bahay at nag-uunahang makapunta sa mall.

Paalala lang, hindi pa tapos ang quarantine at kahit sinusunod natin ang protocols, hindi tayo dapat makampante.

Muling binuksan ang mga mall para gumalaw ang ekonomiya at hindi para maglakwatsa.

Pakiusap sa publiko, hindi naman importante ang gagawin, ‘wag nang lumabas ng bahay, ‘Wag na tayong dumagdag sa mga pasaway. Kung muling tataas ang bilang ng maysakit, malamang ay hihigpitan ulit ang lockdown.

Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, mahaba pa ang laban natin kaya magtulungan tayo para mapagtagumpayan ang hamon na ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page