Salaminin natin ang panaginip ni Razel Ann na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nanaginip ako ng Sto. Niño, gumalaw siya at ngumiti sa akin, tapos may sinsabi siya kaso hindi ko naririnig. Paglipas ng isang minuto, naging bata siya at sinabing magiging Sto. Niño ulit siya paglipas ng isang buwan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Razel
Sa iyo Razel,
Hindi nakapagtataka kung halimbawang si Lord Jesus Christ ay magkatawang-tao dahil ito ang isa sa pangunahing dogma ng mga Kristiyano, lalo na at hindi naman mahirap paniwalaan ang sinabi Niya na “Siya ay magbabalik”.
Lahat ng ‘yan ay letra-por-letrang nakasulat sa Bibliya at ‘yan din ang ating dinarasal sa Sumasampalataya o Apostle’s Creed.
Maaaring marami ang hindi nakaaalam nito kahit sila ay nagdarasal dahil ang porblema ay dasal tayo nang dasal, pero hindi naman ito galing sa ating puso at isipan, kumbaga, lip service lang.
Nang unang pumunta si Lord dito sa lupa, Siya ay sanggol na kinilala bilang si Niño Jesus kaya Siya ang Sto. Niño.
Pagkatapos Niyang maipako sa krus, muli Siyang nagbalik at sabi Niya kay St. Thomas, “Salatin mo ang sugat sa Aking dibdib”.
Ang totoo, pero hindi na nakasulat sa Banal na Aklat, Siya ay madalas magbalik dito sa atin sa lupa at mas madalas Siya ay nasa anyo ng sanggol o bata na tulad ng napanaginipan mo, Siya ay si Sto. Niño. Pero nagbabalik Siya nang may misyon at ang numero-unong misyon Niya ay bigyan ng magandang kapalaran ang taong kanyang binabalikan.
Sa ganitong katotohanan nabuo ang katuruan sa dream interpretation na ang bata sa panaginip ay simbolo ng magandang kapalaran na darating sa nanaginip. Hindi naman nakapagtataka kung isang buwan ang ilalagi niya sa buhay mo dahil ang isa pang totoo, si Lord ay hindi taga-lupa dahil siya ay taga-langit kaya Siya ay bumabalik sa itaas.
Magpasalamat ka at magpuri dahil sa buhay mo ay mananahan ang batang-Kristo na magpapaganda ng kapalaran mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmudo del Mundo