Habang patuloy na nilalabanan ng buong mundo ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic, hindi nawawala ang panganib ng iba pang mga sakit.
Bukod sa paulit-ulit na pagpapaalala ng mga eksperto at ahensiya ng gobyerno na mag-ingat sa deadly virus, may bagong babala ang mga ito sa publiko.
Binalaan ng mga eksperto ang mga magulang, ospital at klinika na asahan ang pagdami ng mga kaso ng misteryosong kondisyon na makaaapekto sa mga bata pagkatapos ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Jeffrey Burns, critical care specialist sa Boston Children’s Hospital, ang kondisyong ito ay tinawag na multisystem inflammatory syndrome sa mga bata na sinasabing post-viral syndrome.
Habang iniimbestigahan ng mga doktor ang kaso ng mahigit 150 bata, na karamihan ay nasa New York, napag-alaman na ang mga ospital at clinic sa 18 states at Washington, DC ay pinag-aaralan din ang mga suspected cases.
Ayon kay Dr. Burns, ang multisystem inflammatory syndrome ay hindi direktang sanhi ng virus, aniya, “The leading hypothesis is that it is due to the immune response of the patient.”
Samantala, ayon kay Dr. Moshe Arditi, pediatric infectious diseases expert sa Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angles, ang mga sintomas ng sakit ay paulit-ulit na lagnat, pamamaga sa organs tulad ng kidney o puso. Maaari ring makitaan ang mga bata ng blood vessel inflammation tulad ng mapulang mga bata, bright red na dila at cracked lips.
Gayunman, noong nakaraang buwan, naalarma ang mga British doctor dahil sa syndrome na ito. Ayon sa Royal College of Pediatrics, 75 hanggang 100 bata sa Britain ang naapektuhan ng naturang sakit, habang ang mga doktor naman sa Italy ay nakapag-ulat na ng syndrome.
Hindi lahat ng apektadong bata ay nagpositibo sa COVID-19, pero base sa mga report mula sa Europe at iba pang lungsod sa United States, may kaugnayan ang syndrome sa virus.
“There seems to be delayed responses to COVID infections in these kids,” ayon kay Dr. Arditi.
Gayunman, naniniwala si Dr. Burns na darami pa ang kaso ng syndrome
habang mas maraming naaapektuhan ng COVID-19. Bagama’t ito ay pambihirang kondisyon, ang mga pambihirang resulta ng viral infections ay makikita nang mas madalas kapag mas marami nang tao ang infected.
“We can expect that each of the epicenters will see clusters of these emerging roughly four to six weeks later,” ani Dr. Burns.
Dagdag pa niya, “It makes sense that it emerged in New York first because New York had the largest and most severe outbreak (of Covid-19), followed by New Jersey and, unfortunately, Boston.”
Karamihan sa mga bata ay hindi gaanong apektado ng syndrome, gayundin hindi kailangan ng treatment sa ICU kahit may ilan nang namatay dahil dito.
Gayunman, may mga treatment silang ginagamit kabilang na ang blood thinners at immune modulators.
Samantala, ang Centers for Disease Control and Prevention ay naghahanda ng Health Alert Network notification na ipadadala sa mga doktor sa buong bansa. Ayon kay Dr. Burns, pinag-aaralan na ng World Health Organization (WHO) ang pagtukoy sa syndrome at pag-aalerto sa mga doktor nang sa gayun ay malaman nila kung paano gagamutin ito.
"This new entity has some similarities to Kawasaki disease, but there are a lot more features that are consistent with toxic shock syndrome, such as multi-organ system involvement and severe abdominal involvement with diarrhea," ani Dr. Arditi.
Ayon kay Dr. Burns, mahalagang pag-aralan ito dahil sa pamamagitan ng response, matutukoy nila kung bakit mas malabong maapektuhan ng COVID-19 ang mga bata kumpara sa mga adult.
"Understanding the child's immune response could be a key to vaccine development and could also be a key to therapy for adults to understand why children are able to fight (Covid-19) off so well," ani Dr. Burns.
Napakarami talagang “surprise” sa mundo at kahit ngayong may hinaharap tayong pandemya, patuloy tayong ginugulat ng mga balitang maaari nating ikatakot.
Gayunman, para sa mga parents, make sure na hindi ninyo nao-overlook sina bagets dahil kahit nasa bahay tayo, hindi natin alam kung kailan aatake ang hindi nakikitang sakit. Gets mo?