Target ng PBA na magsagawa ng COVID-19 testing para sa lahat ng kanilang mga players, coaches, staffs at league personnels bilang "safety protocols" sa sandaling mabigyan na sila muli ng go signal para makapaglaro.
“Malaking bagay yung testing. Yun ang pinakaunang dapat natin gawin,” pahayag ni PBA commissioner Willie Marcial sa panayam dito sa programang Power and Play sa Radyo Singko.
Ayon kay Marcial, nararapat lamang na makatiyak ang lahat na walang sinuman ang nagtataglay ng virus dahil malaki ang tsansang makahawa ang nagtataglay nito dahil sa di maiiwasang pisikalan na nagaganap sa bawat laro.
“Kasi pag hindi ka nag-test, syempre depensahan yan, baka mag-alangan yung players. Pero kung alam ng players na safe kayo pareho, makaka all-out pa rin sila,”paliwanag nito.
Bukod dito, marami pa silang ipapatupad na mga "safety measures" sa pagsabak ng liga sa tinatawag ngayong "new normal".
Nakikipag-ugnayan ang PBA sa Games and Amusement Board (GAB) para sa mga "safety protocols" hindi lamang para sa mga teams kundi maging sa mga fans at manonood.
Kabilang na dito ang pagsusuot ng face masks sa mga venues, paggamit ng mga sanitizers, ang gagawing "seating arrangements" at paggamit ng mga "thermometer guns" sa lahat ng "entry points" ng mga "playing venue".
Sa ngayon, hindi pa rin pinapayagan ang mga "mass gatherings" kahit inilagay na sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila.
Muling pag-aaralan ng PBA board ang sitwasyon pagdating ng buwan ng Agosto kung anong mangyayari sa Season 45.
“Baka sa August makakakita na tayo ng konting liwanag kung papayagan tayo ng gobyerno kahit practices lang, kahit walang scrimmages, conditioning lang,” ani Marcial.
Kung hindi pa rin makakapaglaro pagdating ng Oktubre, posibleng tuluyan ng hindi ituloy ang Season 45.
Ngunit kung makakabalik sa ensayo ang mga teams pagdating ng Setyembre, maaaring makapaglaro na ituloy ang Philippine Cup sa Oktubre at tapusin ito ng Disyembre o Enero 2021.