Palalawigin pa hanggang Hulyo 31 ng kasalukuyang taon ang umiiral na lockdown sa mga border o hangganan at iba pang daanan papasok sa Region 12 o Soccsksargen.
Sa gitna ito ng patuloy pa ring banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon. Ayon kay General Santos City Mayor Ronnel Rivera, nagdesisyon ang Soccsksargen Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) on COVID-19 na patuloy na pairalin ang border lockdown bilang bahagi ng pag-iingat na kumalat pa ang sakit.
“We will still not allow passenger buses and other public utility vehicles, and ordinary people to come in and out of the region,” ayon sa alkalde.
Pumayag din umano ang mga lokal na opisyal sa rehiyon sa nasabing hakbang bunsod ng paglobo ng kaso ng COVID-19 partikular na sa Davao Region.
Ang Soccsksargen (Region 12) ay binubuo ng mga lalawigan ng North at South Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat; at mga lungsod ng General Santos, Koronadal, Tacurong at Kidapawan.