Apat ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng Bagyong Ambo.
Batay sa imbestigasyon, isang 62-anyos na ginang na si Lourdes Quinto ang nasawi habang sugatan ang asawa niyang si Melencio, 66, nang madaganan ng pader ang kanilang bahay sa
Catanauan, Quezon sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Nasawi din si Junil Banzagales, 24, ng Bacacay, Albay na nakuryente matapos aksidenteng mahawakan ang live wire sa paghagupit ng bagyo.
Patay din ang isang lalaki nang tamaan ng nabasag na salamin sa pananalasa ng bagyo sa San Policarpio, Eastern Samar.
Isa rin ang nasawi sa Almagro, Eastern Samar.
Kasabay nito ang pagkabuwal ng mga poste ng kuryente, pagkawasak ng mga bahay at gusali at maging ang mga isolation facility para sa mga Person Under Investigation (PUIs ) sa COVID-19.
Sa pahayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, maraming mga nasirang daan sa Eastern Samar na pinakagrabeng sinalanta ng Bagyong Ambo.