top of page
Search
BULGAR

Problema sa transportasyon ng mga manggagawa, tugunan

Kasunod ng pagpapatupad sa mas pinaluwag na enhanced community quarantine sa Metro Manila, Laguna at Cebu City ay naghahanda na rin sa bahagyang pagbubukas ang ilang industriya at establisimyento ngayong araw.

Bagama’t karamihan sa mga manggagawa partikular ang mga “no work, no pay” ay desidido nang makabalik sa pagtatrabaho, may agam-agam naman ang ilang walang sariling sasakyan o nagko-commute lamang.

Paano sila makararating sa trabaho gayung hindi naman pinayagan ng gobyerno ang mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng MECQ?

Matatandaang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nila pinayagang bumalik ang mass transportation upang maiwasan ang second wave ng COVID-19 outbreak, na posibleng magmula sa kumpulan ng mga tao sa isang sasakyan.

Aniya, iniiwasan nating matulad sa ibang bansa na nagbukas ng ekonomiya subalit, nagkaroon ng second wave.

Kaya kung walang kakayahan ang kumpanya na magbigay ng shuttle o kung walang sasakyan ang kanilang mga empleyado ay ‘wag na muna itong magbukas.

Pero giit ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), dagdag-gastos ang transportasyon at pahirapan din ang pagkuha ng checkpoint pass.

Tugon naman ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), dalawang buwan nawalan ng hanapbuhay ang mga manggagawa kaya parehong obligasyon ng employer at pamahalaan ang pagbibigay sa kanila ng transportasyon upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Kaugnay nito, humihingi ng dayalogo sa Department of Labor and Employment ang mga labor group para maiparating ang mga hinaing ng manggagawa.

Napakahirap ng mga nangyayari ngayon dahil habang tumatagal ay tila mas lumalala ang sitwasyon partikular sa ordinaryong mamamayan na hanapbuhay lamang ang inaasahan upang masuportahan ang kani-kanilang pamilya.

Sana ay ikonsidera at bigyang-prayoridad ang mga manggagawa, huwag nating kalimutan na mahalaga din sila upang muling makabangon ang ekonomiya ng bansa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page